ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Solusyon sa oily skin, tatalakayin sa 'Pinoy MD'

Ngayong opisyal nang idinekara ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagpasok ng tagtuyot, dapat maging handa tayo sa mga epekto nito sa ating katawan. Para sa mga may oily skin, mas nahahalata ang kanilang kondisyon lalo na ngayong mas pinapawisan sila. Ayon kay Pinoy MD resident dermatologist Dr. Jean Marquez, natural lang na may langis o oils an gating balat. Pinababata nga raw nito ang hitsura natin. Pero kapag sobra-sobra naman daw ang oil sa skin, maaari itong pagmulan ng problema. Abangan ang mga solusyon sa tila nagmamantikang kutis sa Sabado.
Unang sumikat si Daniel Fernando dahil sa kanyang pagganap sa mga pelikulang Scorpio Nights at Macho Dancer. Pero bukod sa pagpapaseksi noon, naipakita rin ni Daniel ang kanyang galing sa pag-arte. Nanalo siya ng ilang mga acting awards para sa kanyang mga pagganap. Ngayon sa ibang larangan na nagpapakitang-gilas si Daniel. Bise gobernador na siya ng probinsya ng Bulacan. Ganoon pa man, pinananatili pa rin daw niya ang kanyang kisig. Sa edad na 52 years old, talaga namang fit pa rin si Daniel!

Nitong nakaraang linggo, kumalat sa social media sites ang istorya ng Inquirer.net tungkol kay Ashley Ann Nepomuceno. Nagtutubig, nagdidikit-dikit at nagnananak ang balat ng anim na taong gulang na bata dahil sa kondisyon niyang epidermolysis bullosa. Bukod dito, may isa pa siyang malalang sakit -- ang stage 1 bone marrow cancer. Marami man silang problemang kinahaharap, ayon sa lola ni Ashley na si Cleofe, di pa rin daw sila nawawalan ng pag-asa. Panghabang buhay na kondisyon ang karamdaman sa balat ng bata, pero may mga puwedeng gawin para maibsan ang sakit na kanyang nararamdaman. Ang kanya namang kanser, dahil nasa early stage pa, ay maggagawaan pa ng paraan para hindi na kumalat. Marami nang tumulong kay Ashley at sa kanyang pamilya, pero marami pa ring maitutulong sa kanya.
Ngayong papalapit na ang mahal na araw, marami ang iiwas muna sa pagkain ng karne. Kaya naman may mga ituturo kami sa inyong mga recipe na panay gulay pero madali at mura lang na gawin. Katunayan, APAT lang ang pangunahing sangkap ng mga ibabahagi namin sa inyo. Sa apat na sangkap lang, may maihahain na kayo sa inyong pamilya. Kasama ang online sensation group na La Churva, maghahanda sila ng tatlong putahe na ang bawat isa, hindi hihigit sa 199 pesos ang halaga.
Pangangalaga ng balat at katawan, pagkain nang tama at ang istorya ng isang batang nagpapakita ng kakaibang lakas sa kabila ng mga pinagdadaanang karamdaman, iyan ang hatid namin sa Pinoy MD. Sina Connie Sison, Dra. Jean Marquez, Doc Dave Ampil II, Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor at Doc Oyie Balburias ang maghahatid ng impormasyong mapapakinabangan niyo, sa Sabado. Manood ng Pinoy MD, alas 6 hanggang alas 7 ng umaga sa GMA.
More Videos
Most Popular