ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa acne scars?
Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.
Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Rechele Asis Bajada ng Facebook:
Ano po ba ang pwede kong gawin sa acne scars para mawala? Matagal ko na po kasi itong pinoproblema.

Sagot:
May iba’t ibang klase ng acne scars ayon sa “Pinoy MD” resident dermatologist na si Dr. Jean Marquez.
- Box-type scars, o mga scar na malalapad
- Depressed scars, o mga scar na palubog
- Ice pick scars, o mga scar na maliliit at parang tinusok ng ice pick
Normal lang na mag-iwan ng peklat ang acne sa mukha, pero lumalala ito at nagiging delikado kapag kinutkot, kinamot o pinutok gamit ang kuko o iba pang maruming bagay.
Kapag na-expose naman sa ultraviolet rays ng araw ang acne scars, posible na bumagal ang paghilom nito.
Kadalasang namumula ang acne scars ng mga taong natural na maputi ang balat. Sa mga kayumanggi naman, karaniwang nangingitim ang mga ito.
“Blackheads and whiteheads pa lang, dapat nagme-maintain ka na ng gamot. Magpa-facial ka kahit once a month para maiwasan na mag-worsen at maiwasan na mag-cyst at magnana,” dagdag ni Dr. Marquez.
Iwasan din ang pagbibilad sa araw. Kung kinakailangang lumabas, huwag kalilimutang maglagay ng sunblock.
Para sa mga may budget, maaaring sumailalim sa treatment na ginagamitan ng Fractional Erbium Laser. Mas mainam daw ito kumpara sa ibang medical treatment para sa acne scars dahil hindi madugo ang operasyon. Mas nanunuot din daw ang epekto ng laser sa lower dermis o sa mas malalim na bahagi ng balat.
Natutulungan din ng laser na ma-stimulate ang collagen ng balat para mas mapababaw ang mga peklat.
“Ang ikinaganda ng mga laser na ito, it can really target acne scars right on the spot,” paliwanag ni Dr. Marquez. “Halimbawa, ‘yung mga acne scars na napakaliit na mahirap ma-reach o ma-stimulate dahil napakaliit ng butas, kaya ‘yun pasukin ng mga fractional lasers, so puwede niyang pasukin ‘yung skin right beneath the scar.”
Matapos ang apat na session ng Fractional Erbium Laser, mapapansin na raw ang unti-unting pagkawala ng mga peklat.
Isa pang paalala mula kay Dr. Marquez: Hangga’t maaaga, ipakonsulta sa dermatologist ang acne scars. Mas madali raw kasi itong gamutin kumpara sa acne scars na matagal nang nasa mukha. —Rica Fernandez/CM, GMA News
Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.
Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.
More Videos
Most Popular