Pinoy MD Question of the Week: Ano ang sakit na endometriosis?
Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.
Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Acel Gutierrez ng Facebook:
Ano po ba ang sakit na tinatawag nilang endometriosis?
Sagot:
Ang endometriosis ay isang kondisyon kung saan hindi tama ang posisyon ng ilang mahahalagang bahagi ng uterus o bahay-bata sa loob ng katawan ng isang babae.
“‘Yung endometrium, ‘yun actually ‘yung tissue sa loob ng matres, ‘yung lining na nagreregla,” paliwanag ng obstetrician-gynecologist na si Dra. Maria Jesusa Banal-Silao. Dagdag niya, hindi pa lubusang naipaliliwanag ang sanhi ng kondisyong endometriosis. “One theory: ‘yung [endometrium] kapag nagreregla, imbis na lumalabas lahat, bumabalik sa pelvis, kaya nagko-cause siya ng sintomas,” aniya.
Ilan sa mga palatandaan ng endometriosis:
-
Malimit na pagkakaroon ng dysmenorrhea o matinding pagsakit ng puson tuwing may regla
-
Pananakit ng likod o tagiliran sa tuwing dudumi
- Infertility o hirap sa pagbubuntis dahil sa posibleng pagbabara ng tubo ng ovary
Sa buong mundo, tinatayang lima hanggang 10 porsiyento ng mga kababaihang nasa reproductive age, o isa sa 20 babae, ang nagkakaroon ng ganitong sakit.
“Hindi naman talaga actually nakakamatay [ang endometriosis],” ani Dra. Banal-Silao. “Nakakaperwisyo lang sa buhay pero ‘di siya commonly nagiging cancer.”
Ibinabase ang gamot na ibinibigay para sa endometriosis sa kung ano ang nararamdaman ng pasyente. Kung nakararamdam ng sintomas ng endometriosis, mas makabubuti kung magpapakonsulta na agad sa doktor.
“Ang common complaint kasi is masakit na pagreregla, pain. Puwedeng may iinumin silang gamot o i-inject na gamot para ‘di muna sila magregla at hindi mag-progress ang sakit,” ayon kay Dr. Banal-Silao.
Nalalaman kung may endometriosis ang isang pasyente sa pamamagitan ng physical examination sa doktor. Nakukumpirma naman ito sa pamamagitan ng transvaginal ultrasound. Para sa mga mas batang babaeng pasyente, karaniwang ginagawa ang transrectal ultrasound.
“Kapag may cysts na nakita sa ultrasound, mas mataas yung possibility na endometriosis na siya,” ani Dr. Banal-Silao.
Bagama’t walang konkretong hakbang para maiwasan ang sakit na endometriosis, maaari namang matugunan ang kondisyong ito lalu pa’t anumang karamdaman, mas madaling mahahanapan ng solusyon kung mas maagang matutuklasan. — Rica Fernandez/CM, GMA News
Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.
Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.