ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa back acne o ‘bacne’?


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Jane Brent Solas ng Facebook:

Hindi po nawawala ‘yung pimples ko sa likod. Ano po bang pwedeng gawin para matanggal ito?



Sagot:

Ayon sa Pinoy MD resident dermatologist na si Dr. Jean Marquez, ang pagkakaroon ng back acne o “bacne” ay katulad lang din ng pagkakaroon ng tighiyawat sa mukha. Kapag ganitong mainit ang panahon, mas mabilis itong dumami.

“Kasi nga tuwing summer, mas pawisin ang mga tao. Mas kumakapit ang dumi so it can actually add up do’n sa pagka-clog ng pores na nagko-cause later on ng pagkakaroon ng tighiyawat,” paliwanag ni Dr. Marquez.

Ngayon, mayroon nang tinatawag na “bacial” na isinasagawa sa mga gustong magpatanggal ng tighiyawat sa likod. Katumbas ito ng facial na ginagawa naman sa mukha.

Sa prosesong ito, pinasisingawan ang likuran upang bumukas ang pores at maging mas madali ang pagtanggal sa pimples. Pagkatapos nito, saka sisimulan ang mismong extraction o ‘yung marahang pagdiin sa balat para lumabas ang duming nanuot dito.

Nagkakahalaga ng P500 hanggang P1,000 kada session ang “bacial” sa mga dermatology clinic. Karaniwang dumadaan sa dalawa hanggang tatlong session ang isang taong may bacne para tuluyan nang maging flawless ang kanyang likod.

Ayon pa kay Dr. Marquez, may mas mahalagang dahilan kung bakit hindi dapat pinatatagal ang tighiyawat sa likod. Maaari kasing mauwi ang bacne sa isang klase ng bukol na kung tawagin ay sebaceous cyst.

“Ang sebaceous cyst, talagang nagsisimula siya sa tighiyawat. Unang-una, makikita ‘yan as nakaumbok sa ibabaw ng skin pero kapag kinapa mo siya hindi siya gumagalaw,” ani Dr. Marquez.

Kapag hindi kasi naaalis ang dead skin at oil na siyang nagdudulot ng tighiyawat, namumuo ito at naiipon sa ilalim ng balat hanggang sa umumbok at maging bukol.

Kapag ang tighiyawat ay naging sebaceous cyst na, hindi na raw ito kayang tanggalin ng karaniwang bacial.

Rekomendasyon ng mga doktor na sumailalim sa minor surgery ang mga may sebaceous cyst. Kahit benign kasi o hindi cancerous ang sebaceous cyst, mas makabubuti pa rin daw na ipatanggal ito sa lalong madaling panahon.

Para makaiwas sa tighiyawat at sa mga komplikasyon na maaari nitong idulot, mahalaga na maging malinis sa katawan. Bukod sa regular na paliligo, makabubuting magbaon ng pamalit na damit lalu't mas mabilis tayong pawisan kapag ganitong mainit ang panahon.

Bilang pantanggal ng pimples, inirerekomenda ni Dr. Marquez ang mga pamahid na may sangkap na salicylic acid, benzoyl peroxide at tea tree extract.

Kung may kaunting budget naman, mas mabuti pa rin kung magpapatingin sa lisensyadong dermatologist. — Rica Fernandez/CM, GMA News

Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.

Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.