Pinoy MD Question of the Week: Paano tinatanggal ang foot odor?
Kaisa ng layunin ng “Pinoy MD” na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.
Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Kram Aurellano ng Facebook:
Paano po ba matatanggal ang foot odor?

Sagot:
Dahil sa init ngayong summer, mas malakas tayong pagpawisan kaya mas malaki rin ang tsansang mangamoy ang ating mga paa.
May mahigit 500,000 million na sweat glands sa ating mga paa. Kaya naman hangga’t mayroong pawis na lumalabas sa ating katawan, maaaring mamaho ang mga paa ng isang tao, ayon sa “Pinoy MD” resident dermatologist na si Dr. Jean Marquez.
“Originally kasi odorless [ang pawis]. Pero kapag nag-stay sa paa, kinakapitan ito ng bacteria,” paliwanag ni Dr. Marquez. “Ngayon ‘yung mga bacteria na ‘yan ang nagko-cause para magka-foul smell ‘yung paa.”
May mga activities din gaya ng sports na sanhi ng labis na pawis sa paa.
“‘Pag gumagalaw ka nang sobra, like sports, lalong nagpapawis ‘yung paa mo,” dagdag ni Dr. Marquez. “Tapos sarado ‘yung sapatos mo, naka-rubber shoes ka, puwedeng mangamoy ang paa.”
Kadalasan, ang mga closed shoes daw ang sanhi kung bakit lumalala ang baho ng paa. Hindi kasi sumisingaw o natutuyo ang pawis, dahilan para kapitan ang paa ng bacteria at magkaroon ng hindi magandang amoy.
Ayon kay Dr. Marquez, simple lang naman ang solusyon sa foot odor. Ito ang ilang tips para masolusyonan ang mabahong paa:
-
Regular na maligo at maghuhugas ng paa.
-
Gumamit ng anti-bacterial soap para maalis ang mga dumi o bacteria sa paa.
-
Matapos maligo, siguraduhing tuyo ang mga paa bago isuot sa sapatos.
-
Kung gustong makasiguro na hindi babaho ang mga paa, ang deodorant daw na para sa kili-kili, puwede ring ipahid sa paa.
-
Huwag na huwag magsusuot ng medyas na hindi bagong laba.
Kung patuloy na namamaho ang paa, maaaring subukan ang home remedy na pagbababad ng paa sa tubig na may peroxide. Maglagay lang ng isang kutsarita ng peroxide sa kada tasa ng tubig na inyong gagamitin bilang pambabad sa paa.
Kapag sinubukan mo na ang lahat ng ito at hindi pa rin nasosolusyunan ang iyong foot odor, mas makabubuting kumonsulta na sa dermatologist at alamin ang nababagay na treatment para sa iyong partikular na kondisyon. — Rica Fernandez/CM, GMA News
Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.
Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.