ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Paano maiibsan ang impatso?


Kaisa ng layunin ng “Pinoy MD” na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Kemzkie ng Facebook:

Paano ko po magagamot ang sakit ng tiyan o ‘yung parang may hangin sa tiyan dahil sa impatso?

Sagot:

Isa sa mga karaniwang dahilan ng pagkakaroon ng impatso ang labis na pagkain, ayon sa gastroenterologist na si Dr. Oscar Cabahug.

Kabilang sa mga sintomas nito ang hirap sa paghinga dahil sa kabusugan, pagkakaroon ng acidic taste sa bibig at pakiramdam na animo’y masusuka.

Ang pag-inom ng kape, maaari raw makatulong upang maibsan ang impatso.
“Parang may hangin sa tiyan na gusto nilang dumighay na hindi sila makadighay, ‘yun ang sinasabi nilang impasto,” ani Dr. Cabahug.

Kung madalas na magkaroon ng impatso dahil sa dami ng kinain, uminom ng kape o tsaa para mainitan ang tiyan. Makatutulong din ang pag-inom ng mga antacids.

Kung walang pambili nito, maaaring magtunaw ng dalawang kutsarang baking soda sa isang baso ng maligamgam na tubig at saka inumin. Nakatutulong ito para kumalma ang pakiramdam ng taong may impatso.

Para naman makaiwas sa pagkakaroon ng impatso, narito ang ilang payo mula sa eksperto.

1. Hinay-hinay lang sa pagkain.
2. Huwag ngumuya nang nakabukas ang bibig.
3. Uminom ng tubig pagkatapos kumain, hindi habang kumakain.
4. Iwasang matulog kaagad lalu na kung maraming kinain.
5. Kung hindi kaagad mapigilan ang antok, siguruhing mataas ang iyong unan at hindi ito nakapantay sa iyong paa.
Kapag nakaramdam ng impatso kahit hindi sobra kung kumain, kumonsulta na agad sa doktor.

Bagama’t madalas lang daw balewalain ng iba ang pagkakaroon ng impatso, posible rin daw itong maging sintomas ng iba pang kondisyon tulad ng pagkakaroon ng ulcer, stomach cancer, thyroid diseases at bato sa apdo.

“Kapag nanilaw ka, maaaring magkaroon ng impeksyon sa daanan ng apdo,” paliwanag ng doktor. “Isang dahilan pa ng impatso ay yung tinatawag na peptic ulcer disease. Kapag nagasgas kasi ang lining ng iyong tiyan, ‘di kumikilos ang tiyan nang maigi.”

Payo ni Dr. Cabahug, kapag ikaw ay nakaramdam ng sintomas ng impatso kahit ikaw ay hindi sobra kung kumain, mas makabubuti kung kokonsulta na agad sa doktor. — Rica Fernandez/CM, GMA News

Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.

Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.

Related articles:

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa paninilaw ng kuko dulot ng nail polish?
Pinoy MD Question of the Week: Paano tinatanggal ang foot odor?

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa back acne o ‘bacne’?

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa acne scars?