ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Problema sa pag-ihi at usapang asin sa 'Pinoy MD'


Sa "Pinoy MD," kahit nakahihiyang pag-usapan, haharapin namin para mas mapabuti ang inyong kalusugan.

Kung isa kayo sa mga babaeng hindi makontrol ang pag-ihi, maaaring mayroon kayong urinary incontinence. Ayon sa mga eksperto, isa sa itinuturong dahilan sa hindi mapigilang paglabas ng ihi ay impeksyon sa pantog. Di man kayo mapakali sa tuwing may naririnig na tumutulong gripo, huwag mag-alala. May mga solusyon naman sa urinary incontinence at isa iyan sa mga tatalakayin natin sa Sabado.

Para mas gumanda, mahalaga siyempre ang good grooming. Kaya naman  madalas tayong maggupit at magpalinis ng ating mga kuko at mag-ahit o magpatanggal ng buhok sa mga bahagi ng katawan na gusto nating maging makinis. Pero kapag di tama ang pagpapa mani o pedicure o kaya ang pag-aahit, may mga di kaaya-aya rin itong epekto sa atin. Problema sa ingrown nails at hair, atin ding pag-uusapan.



At para naman sa ating Masustansiya 199 segment, mga paboritong lutuing Pinoy with a twist ang tampok namin.  Nakapagpapalusog na mga ulam na pasok sa budget.

Sa halos lahat na yata ng lutuin, naglalagay tayo ng asin bilang pampalasa.  Pero kailangan pa rin mag-ingat.  Dapat isang kutsaritang asin lang ang makonsumo ng isang malusog na tao kada araw.  Ang mga may altapresyon, sakit sa bato at diabetes naman mas mababa ang limit. Ang sobra kasing pampaalat, mas makapagpapalala ng kanilang mga sakit.  Usapang asin, abangan iyan.

Simple, praktikal at tamang impormasyon, iyan ang dala namin sa Pinoy MD. Panoorin si Connie Sison, Dra. Jean Marquez, Doc Dave Ampil II, Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor at Doc Oyie Balburias alas 6 hanggang alas 7 ng umaga sa GMA.