'Atay ko po!' sa 'Pinoy MD'
PINOY MD
SABADO, SEPTEMBER 13
6:00 AM SA GMA 7

ATAY KO PO!
Marami ang nagulat nang pumanaw ang batikang aktor na si Mark Gil, dahil sa liver cirrhosis. Isa itong sakit kung saan nagkakaroon ng lamat ang atay hanggang sa tuluyan na itong masira. Sa tala ng Department of Health, ika-apat ang sakit sa atay sa ikinamamatay ng mga Pilipino. Sa Sabado, pag-uusapan ng mga ekspertong doktor ang liver cirrhosis at iba pang sakit na karaniwang tumatama sa atay. Paano nga ba mapananatiling malusog ang mahalagang bahaging ito ng ating katawan?

AVOCADO RECIPES
Kapag hinaluan ng gatas at asukal -- talaga namang kay sarap ng avocado. Pero bukod dito, marami pang preparasyon ang puwedeng gawin para mas malasap ang prutas na ito. Sa aming Luto Lusog segment, ipakikita namin sa inyong puwedeng pang-almusal at pang-meryenda ang avocado kapag ginawang sangkap sa ilang masasarap na recipe. Mayaman sa vitamins B, C, E at K at nakatutulong para sa mga may sakit sa puso, marami tayong benepisyong makukuha kung isasama natin ang avocado sa ating diyeta.

PAANO MAIIWASAN ANG BIRTH DEFECTS?
“Kahit ano, basta healthy,” iyan ang karaniwang sagot ng mga buntis kapag tinatanong sila kung anong kasarian ang gusto nila para sa kanilang ipinagbubuntis. Pero sa kasamaang-palad, may mga isinisilang pa rin na may mga birth defect. Pinaka karaniwan dito ang pagkakaroon ng club foot, congenital heart disease at cleft palate. Para sa ilan, genetic ang dahilan ng pagkakaroon ng mga kondisyon at sakit na ito. Ang iba naman, nagkakaroon ng birth defect dahil hindi tama ang naging pag-aalaga ng ina sa kanyang sarili habang buntis siya. Ano ang mga dapat iwasan ng mga pregnant moms? Ano ang mga dapat nilang gawin? May mga bakuna bang mahalagang makuha? Ang mga tip para maiwasan ang pagkakaroon ng birth defects sa ipanganganak, alamin mula mismo kay dating Philippine Obstetrical ang Gynecological Society president at Pinoy MD resident obstetrician-gynecologist Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor, sa Sabado.

MGA EHERSISYO PARA DI SUMAKIT ANG LIKOD
Papalapit na ang Bachelor Bash ng isang kilalang magazine for women at isa sa mga matipunong rarampa rito, ang Kapuso nating si Pancho Magno. Puspos ang paghahanda ni Pancho para rito. Isa raw sa parte ng kanyang katawan na pinagtutuunan niya ng pansin, ang kanyang likod. Ginagawa niya ito di lang naman daw para sa kanyang pagmomodelo, alam niya rin kasi na mahalagang patatagin at palakasin ang back muscles para maiwasan ang pagsakit nito. Abangan ang routine ni Pancho sa aming Healthy si Idol segment.
Ito ang Tahanan ng mga Doktor ng Bayan. Sina Connie Sison, Dr. Raul “Dr.Q” Quillamor, Dr. Dave Ampil II, Dr. Jean Marquez at Dr. Oyie Balburias ay laging handang magbigay ng mga tip pangkalusugan sa inyo every Saturday morning sa GMA, 6 to 7 a.m.