ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Say no to dry skin!


Stressed ka ba? Puyat? Problemado sa buhay?
 
Sa dami ng kailangang gawin at tapusin araw-araw, natural na lumabas ang mga senyales ng pagod sa ating balat. Ito rin ang unang tinatamaan ng matinding sikat ng araw kapag tayo ay nasa labas, kaya ang resulta: dry skin sa ating mukha at mga kamay!
 
Para maintindihan kung ano ang sanhi ng dry skin, mahalagang malaman muna natin kung saan ito nagsisimula: sa balat. May dalawang layers ang ating balat: ang dermis at ang epidermis. 
 
Ang epidermis ay ang bahagi na nakikita natin sa ating katawan, nasa ilalim nito ay ang dermis. Nangyayari ang panunuyo ng balat kapag ang water content o moisture sa epidermis ay kulang o hindi umaabot sa dermis.
 

Isa ang Kapuso actress na si Gwen Zamora sa mga taong nabiktima noon ng dry skin. Pero sa pamamagitan ng ilang homemade remedies, nabigyan ng solusyon ang kaniyang nanunuyong problema.
 
Papaya cucumber banana face mask


Mainam daw na gamitin ang papaya, pipino at saging sa pagpapanatili ng youthful glow ng ating balat. Mayaman kasi ito sa papain, isang enzyme na nagpapaputi ng balat. 
 
Ang pipino naman ay epektibo sa pagha-hydrate at moisturize. Samantalang ang saging, may anti-wrinkle properties.
 
Ano ang mga dapat ihanda?
 
1 slice ng papaya
1 pirasong pipino
1 pirasong saging
1 mixing bowl
Tinidor o blender
 
Paano ginagawa ang papaya cucumber banana face mask?
 
Pagsama-samahin ang lahat ng sangkap sa isang bowl.
Durugin ito sa pamamagitan ng tinidor. Maaari ring gumamit ng blender.
Kapag wala nang namumuong sangkap sa halo, maaari na itong ipahid sa balat. Pagkatapos ng 15 minuto, maaari nang banlawan ang mukha.
 
Olive oil at lemon sugar hand scrub
 

Bukod sa ating mukha, ang mga kamay din ang isa sa mga bahagi ng ating katawan na madalas magkaroon ng dry skin. Ang solusyon diyan: homemade hand scrub!
 
Ano ang dapat ihanda?
2 kutsara ng lemon juice
¾ tasa ng asukal
¼ tasa ng olive oil or coconut virgin oil
Bowl na lalagyan
 
Paano ginagawa ang olive oil and lemon sugar hand scrub?
 
Pigain ang lemon hanggang sa umabot ng dalawang kutsara ang dami ng katas nito.
Dagdagan ang lemon ng olive oil at asukal. Para sa mga nagtitipid, puwede ring gumamit ng virgin coconut oil.
Haluin nang mabuti at itabi ang hand scrub sa isang container. 
 
Dahil isang uri ng acid ang juice na mula sa lemon, maaaring masugat at mapinsala ang ating balat dahil sa tapang nito. Payo rin ni Gwen: huwag daw itong patatagalin sa inyong balat. 
 
“One important tip is not to overdo it, kasi baka mawalan kayo ng balat sa kamay. So just do it for 30 seconds to a minute,” ani Gwen.
 
Ayon din sa dermatologist na si Dr. Jean Marquez, kailangang siguruhin na makapal ang balat na paglalagyan ng scrub. “Puwede siya sa feet and sa hands. Second, there should be no redness and cracks [in the areas where you are going to apply the scrub]. Third, you should not do it vigorously. Once to twice a week is fine,” dagdag niya.
 
Gumamit din ng olive oil para sa hand scrub na ito dahil hawig daw nito ang natural oil ng ating katawan. Wala raw itong masamang kemikal na maaaring makapinsala sa ating balat.
 
Humectant naman daw ang asukal. Ibig sabihin, pinapanatili nitong hydrated ang ating balat. Ang maliliit na particles nito ay isa ring exfoliant na nagtatanggal ng dead skin cells. 
 
Maraming vitamin C ang lemon, isang uri ng anti-oxidant na maaaring magpalambot at magpakinis ng ating balat.
 
Oil infusion treatment
 
Bukod sa tips ni Gwen, heto naman ang isang treatment na ginagawa mismo ng mga dermatologist para mapanatili ang kalusugan ng ating balat.
 

Ayon naman kay Dr. Marquez,  “Ang ginagawa namin para mabilis na mag-moisturize ‘yung skin lalo na may kaakibat na pamumula at pangangati, we do the oil infusion treatment. Kung saan yung machine nag-i-infuse ng solution doon sa ilalim ng balat, kasi kung pamahid lang hindi agad magpe-penetrate.”
 

 
Ang  gamot na ginagamit sa oil infusion treatment ay may hydrating compound at Vitamin C na siyang ipinapasok ng machine sa balat.
 
Derma’s advice
 
Payo pa ni Dr. Marquez, para hindi manuyo ang balat, iwasan ang mga bagay na nakakapagpa-dry nito. 
 
“Unang-una, [kung] magbabasa ka ng kamay, use gloves. Kung lagi ka naman nag-a-alcohol like kung nurse ka, maglotion ka agad. Of course umiwas sa deodorant soaps , use mga unscented soap. Huwag masyado kukuskusin ang balat. Kapag ang balat naman ay may pamumula at pangangati,  kailangan nang magpatingin sa doctor,” sabi ni Dr. Jean.
 
Paalala pa ni Dr. Jean Marquez, mabuting sumangguni muna sa isang dermatologist bago gumamit ng anumang kemikal o treatment sa inyong balat.
 
Ayon nga sa kasabihan, beauty should be skin deep. Pero dahil kaya namang gawan ng paraan para mapaganda ang ating kutis, walang dahilan para ito ay mapabayaan. 

Para sa health tips at advice, manood ng “Pinoy MD” tuwing Sabado ng umaga, 6 AM sa GMA-7! Maaari n’yo rin kaming sundan sa aming Facebook at Twitter accounts.  - Gerald Vista/BMS/ARP