ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

‘Anti-Haggardo Versoza’ tips mula kay Gardo Versoza



Humarap sa salamin. Nakikita mo ba ang mga sumusunod sa iyong mukha:
 
Malalaking eye bags? (Check!)
Dry o oily na kutis? (Check!)
Chakang hairstyle? (Check!)
Mukha na pagod na pagod? (Check!) 

Kung present sa’yo ang lahat ng ‘yan, nako! ‘Haggardo versoza’ ka na, Kuya!

Pero huwag mag-alala Kapuso dads, dahil to the rescue ang aktor na si Gardo Versoza!
 
Haggardo Versoza, ano raw?

Bago natin alamin ang tips ni Gardo, saan nga ba nagmula ang salitang ‘Haggardo Versoza?’ 
 
'Haggard' ang salitang ginagamit para ilarawan ang isang taong sobrang stress at pagod kaya napapabayaan na ang kaniyang sarili.
 

Bakit nga ba ito idinikit sa pangalan ng sikat na “Machete” star? Katunog kasi ng pangalan ni Gardo ang salitang haggard, kaya naimbento ng mga kapatid nating beki ang “Haggardo Versoza!”
 
Gardo’s tips
 

Aminado si Gardo na wala na sa kalendaryo ang kaniyang edad. Pero nakatutuwang isipin na napapanatili pa rin niya ang kaniyang kaguwapuhan.

At si Gardo mismo, hindi haggardo!

Para ma-achieve natin ang batang-batang pangangatawan ni Gardo Versoza, heto ang kaniyang pak na pak na tips!
 
Maging positibo sa buhay
 
Sa dami ng problemang kinakaharap natin sa araw-araw, madalas talaga tayong ma-stress at mapagod. Pero gaano man kabigat ang problema, dapat parati pa ring positibo ang ating pananaw sa buhay.
 
“Kapag sobrang bigat ng stress at nasa work ka, na tipong unbearable na, tinitignan ko sa breakdown kung may scenes na kakailanganin ‘yung ganong emotion. ‘Yung negative vibes, magagawa mong positive kasi magagamit mo siya sa eksena, in a way na-release mo na nang bonggang-bongga, winner ‘di ba?” sabi ni Gardo.
 
Makipag-bonding sa iyong pamilya


 
Ang paglalaan ng oras para sa ating pamilya ay isang magandang paraan para maiwasan ang stress sa buhay. Kapag lumalabas ka kasama ang iyong pamilya, nakakapag-break tayo sa ating trabaho at nakakapag-relax.
 
Mag-ehersisyo at umiwas sa bisyo
 
Stressed ka na sa trabaho, tapos sabayan mo pa ng pag-inom ng alak at
paninigarilyo, aba’y talagang magiging Haggardo Versoza ka! Alam n’yo bang mabilis magpatanda sa ating balat ang bisyo?
 
Kapag madalas ka ring mag-yosi, nakakadilaw ito ng ngipin at nakakaitim ng labi. Ang 
bawat bote naman ng beer, katumbas daw ng isang tasa ng kanin.
Kaya kung naka-tatlo o apat na bote ka ng beer sa isang upuan, para ka nang 
kumain ng isang bandehadong kanin.
 
Imbes na mag-bisyo, bakit hindi na lang magpahinga o kaya ay mag-ehersisyo?
 
Ehersisyo a la Gardo
 
Bukod sa mga tip na ibinigay ni Gardo, napananatili niyang fresh ang kaniyang itsura sa pamamagitan ng pag-eehersisyo. Pero bago sumabak sa ano mang workout, huwag kalilimutan ang stretching.


Heto rin ang iba pang mga ehersisyong puwede nating gawin  sa opisina o sa bahay:
 
Alternating Prison Squat with Rotation
 

Habang nakatayo, ilagay ang mga kamay sa likod ng ating batok.
Mag-squat at saka muling tumayo habang bahagyang pinapaling ang katawan sa magkabilang tagiliran.
 
Ang ehersisyong ito, nakatutulong sa pagpapalakas ng ating tuhod at core muscles o ang muscles sa gitnang bahagi ng ating katawan.
 
Reverse Crunch


 
Sa isang mat, humiga nang nakalagay ang mga kamay sa tagiliran. Siguruhing nakaharap o nakatapat sa kisame ang inyong mga palad.
Sunod na ibaluktot ang hita at tuhod nang 90 degrees at saka ibaba muli ang paa sa sahig.
 
Ang reverse crunch, epektibo naman sa pagpapaliit ng ating tiyan na madalas ay lumolobo at lumalaki dahil sa pag-inom ng alak.
 
Mountain Climber


 
Pumosisyon na parang tatakbo sa isang marathon. Ipuwesto ang isang tuhod na nakadikit sa ating dibdib.  Ang isang paa naman ay nakatuwid.
Pagpalit-palitin ang paa na para bang umaakyat sa bundok. 
 
Mabisa naman sa pagpapalakas ng braso at hita ang mountain climber. Nakakapagpaliit din ito ng tiyan.
 
For extra pogi points
 
Para naman sa ating balat, malaki ang naitutulong ng paggamit ng skincare products lalo na kung pasok ito sa ating budget. Kung ikaw naman ay nagtitipid, payo namin kay mister, makihati na lang sa ginagamit ni misis.
 
Isa pang payo ni Gardo, importante ang tamang diyeta. Wala naman daw masama kung paminsan-minsan ay magiging pihikan sa pagkain.


“Dapat ikaw ang nag-aadjust sa damit. Ang tendency kasi, ‘pag hindi ka na medium o small, i-aadjust mo yung size mo, para mas maging kumportable. Unlike kung nag-stick ka ng size na fit sayo, maoobliga kang magpaliit ulit,” sabi ni Gardo.
 
Noon, babae lang ang banidoso sa kanilang katawan at itsura. Ngayong nagbabago na ang ating panahon, hindi dapat magpahuli ang mga Kapuso Dad tulad ni Gardo. Sa pamamagitan ng mga tip na ito, hindi ka lang magiging presentable, magmumukha ka pang mas papable. 

Para sa mga karagdagang health tips at advice, manood ng “Pinoy MD” tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7. Maaari n’yo rin silang sundan sa kanilang Facebook at Twitter accounts.-Gerald Vista/ARP/BMS