ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Oh kulugo, layuan mo ako!


Sa dami ng kaniyang kulugo, tila naging balat-puno na ang ilang parte ng katawan ni Randy.
 
Taong 2003 nang magsulputan ang mga kulugo sa balat ng 39 anyos na si Randy. Makalipas ang mahigit sampung taon, lumaki at kumapal ang mga ito na tila balat ng puno sa kaniyang mga kamay at paa.
 
“Nakita ko na bigla na lamang umalsa at dumami. Maliliit naman ang mga ito noong 2003. Lumala noong 2004 and 2005,” paliwanag niya. 
 
Isang beses lang nagpatingin si Randy para malaman kung ano ang kaniyang sakit. Hindi na rin niya naituloy ang pag-inom ng gamot bilang kapos siya sa pera. Dito na nagsimulang lumala ang kalagayan niya. 
 
Para maremedyuhan ang pagkapal ng kaniyang balat sa kamay at paa, ginugupit na lamang ang mga kalyo niya rito.

Ano ba ang kulugo?
 
Normal lang sa isang tao na magkaroon ng warts o kulugo dahil sa tinatawag na human papilloma virus o HPV. Nakukuha ang HPV kung ikaw ay nahawaan ng taong mayroong impeksyon na ito. Karaniwang naipapasa ito sa pamamagitan ng pagtatalik.  
 
Pero sa kaso naman ni Randy, epidermodysplasia verruciformis ang tawag sa kaniyang sakit.
 
“Ibig sabihin nito, tinutubuan siya ng mga kulugo usually sa mga kamay [at paa],” paliwanag ni Dr. Enrico Ilao, dermatologist ng St. Luke’s Medical Center.
 
Maari rin daw na namana ni Randy ang kaniyang kalagayan. Puwede ring mahina ang kaniyang immune system kaya wala siyang pangontra sa HPV. Kapag malusog kasi ang tao, kaya niyang labanan ang virus na nagiging sanhi ng kulugo.
 
Iwasan ang kulugo!
 
Minsan, kusang nawawala ang kulugo, pero mas mainam kung tatanggalin ito ng isang dermatologist sa pamamagitan ng pagsunog o cautery.
 
Maaari ring magpahid ng cream na mayroong sangkap na retinoid. Binabawasan kasi ng retinoid ang cell growth ng kulugo. 
 
Puwede ring tanggalin ang kulugo sa pamamagitan ng cryotherapy. Sa treatment na ito, karaniwang nilalagyan ng liquid nitrogen ang mga sugat na sanhi ng kulugo. Oras na tumigas ang kulugo, saka ito tatanggalin sa katawan.

Maari rin nating maiwasan ang kulugo kung palalakasin natin ang ating immune system laban sa HPV. Narito ang ilang health tips para mapalakas ang ating resistensya: 
 
1. Kumain ng mga prutas at gulay
2. Ugaliing mag-ehersisyo
3. Uminom ng mga vitamin C and E
4. Uminom ng maraming tubig
5. Matulog nang hindi kukulanging walong oras
6. Iwasan din ang labis na stress
 
Remember, mga Kapuso: ang paglala ng anumang sakit ay ating maiiwasan kung ito ay ating maaagapan!
 
Para sa karagdagang health and wellness tips, sundan ang ‘Pinoy MD’ sa Twitter at Facebook. --- Cielo Flores/BMS/ARP