ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Papemelroti owners on 'Powerhouse'
POWERHOUSE: MAY-ARI NG PAPEMELROTI GIFT SHOP
Airing date: September 4, 2012
Ngayong Martes sa Powerhouse, samahan si Mel Tiangco sa kaniyang pagbisita sa tahanan ng pamilyang nagtayo ng isa sa pinakatanyag na gift shops sa bansa, ang Papemelroti.
Hobby ni Socorro "Corit" Alejandro ang paggawa ng mga stuffed toys kaya naman ito na ang pinasok nilang negosyo ng kaniyang asawang si Benny.
Gamit ang sariling kapital, itinayo nila ang CORBEN—hango sa pangalan nilang mag-asawa— noong 1967. May papel ang lahat ng kanilang anak. Isa na riyan ang panganay na anak na si Patsy na sa edad onse ay nagpipinta na ng mga figurines.
Dahil na rin sa tagumpay ng negosyo, itinatag nila noong 1976 ang PAPEMELROTI. Tulad ng CORBEN, galing din ito sa pangalan ng magkakapatid na Patsy, Peggy, Mel, Robert at Tina. Mula sa unang tindahan nila sa Ali Mall sa Cubao, ngayon ay meron na silang 15 branches sa ibat-ibang malls. At lahat ng magkakapatid ay hands-on pa rin sa negosyo.
Sa pagbisita ni Mel sa tahanan ng mga Alejandro, ipakikita ni Patsy ang lugar kung saan nabuo ang maraming nilang ideya at disenyo. Ipinatayo ito ng mga Alejandro noong 1971 sa halagang P50,000 lamang! May lawak na 1,000 square meters, mukha itong hango sa isang fairy tale dahil sa kulay at disenyo nito. Mayroon din itong dalawang palapag kasama na ang attic kung nasaan makikita ang mga kwarto. Sa loob ng bahay, makikita naman ang mga miniature collection ni Corit na pinakaiingat-ingatan ng pamilya. Nariyan din ang narra dining table na mismong si Benny ang gumawa.
Sa kanilang pag-uusap, ibabahagi ni Patty ang masayang kabataan nilang magkakapatid, kung paano sila dinisiplina ng kanilang mga magulang upang magkaroon ng pagmamahal sa trahabo, dito sila kumukuha ng inspirasyon sa kanilang mga disenyo, at kung gaano kalaki ang papel ng kanilang pamilya sa paglago ng kanilang negosyo.
Ang sikreto ng tagumpay ng Papemelroti, mapapanuod na sa Powerhouse, Martes, 8 PM sa GMA News TV.
Tags: plug
More Videos
Most Popular