ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Powerhouse: Goto King at Zen Zest


POWERHOUSE: GOTO KING AT ZEN ZEST
Negosyong nagsimula sa isang food cart sa mall
Date of Airing: October 23, 2012
 
Ngayong Martes, comfort food at home comfort ang tututukan ni Mel Tiangco sa Powerhouse, mga negosyong nagsimula sa simpleng food cart lamang sa mga malls hanggang sa unti-unti nang lumaki.
 
Early 1980s nang isinilang ang simple pero kakaibang konsepto ng Pinoy gotohan na Goto King. Instant hit ito sa mga Pinoy na mahilig sa masarap at murang meryenda.  At bagamat sumubok ng ibang negosyo ang may-ari na si Teresa Dula Laurel, hindi niya raw inakalang ang konsepto ng kaniyang pinasosyal na food cart ay papatok sa masa! Ngayon, mahigit tatlumpu na ang branches ng Goto King sa buong bansa.
 
Sa kaniyang house tour, ipakikita ni Teresa ang kaniyang tahanang binili niya na 'basic' lamang. Sa paglipas ng panahon, sila na raw ng asawang si Herman Tiu Laurel ang matiyagang nagdisenyo nito. Ang bawat artwork na nakasabit sa dingding ng kanilang tahanan ay may natatanging kwento. Tulad na lang ng antique prints na pagmamay-ari ng kaniyang yumaong kapatid na si Rod Dula.  Ang painting collection naman na may mga obra nina RM de Leon at Tam Austria ay nabuo dahil sa simpleng pagtangkilik niya sa talento ng mga Filipino artists. Ang paborito niya namang bahagi ng bahay ay ang kaniyang hardin na ayon sa kaniya ay nagsisilbing sanctuary niya.
 
Samantala, kikilalanin din ni Mel Tiangco si Michelle Asence-Fontelera, pamangkin ni Teresa na siya yatang nagmana ng galing niya sa pagne-negosyo.  Ang kaniyang produkto… mga pabango!  Itinatag ni Michelle ang negosyong Zen Zest noong 2001.  At gaya ng Goto King, single cart din sa mall ang pinagmulan nito sa puhunang tatlong daang libong piso. Pero matagal na itong naibalik  dahil sa ngayon, aabot na sa apatnapu ang company-owned outlets at isandaan naman ang franchise outlets nito sa buong bansa!
 
Pero hindi lang yata pagiging business savvy ang namana ng pamangkin sa tiyahin.  Pati ang hilig ni Teresa sa artworks, namana rin ni Michelle!  Sa katunayan, paborito niyang pintor si Tam Austria dahil ang mga obra raw nito ay bagay na bagay sa kaniyang bahay.  May mga obra rin siya ng Cebuano furniture designer na si Kenneth Cobonpue at maging ng brass sculptor na si Michael Cacnio.
 
Nasa dugo nga ba ang pagne-negosyo? Namamana ba ang galing sa paghawak ng pera? Pero ang mas malaking tanong, ano ang sikreto ng mga negosyong nagsimula lang sa aakalain mong pipitsuging food cart pero ngayon, parang kabute nang nagsulputan sa iba't ibang malls.   Alamin sa sa Powerhouse ngayong Martes, 8PM sa  GMA News TV.
Tags: plug