ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pasko ng mga sikat na negosyante, tampok sa 'Powerhouse'


POWERHOUSE: Christmas Special Balik-bahay

Sa Martes, tuloy ang pagkatok ni Mel Tiangco sa mga bahay ng mga naging panauhin ng Powerhouse, para silipin kung paano sila naghahanda tuwing Pasko.    

Unang ipasisilip ni Joel Cruz ang bahay niya na tinawag niyang "Mansion of the Lord of Scents". Merong dalawampung kuwarto, sinehan at waterfalls ang 5-storey home! At para sa Pasko, blue at silver ang napiling tema ni Joel. Pero ang sentro ng atensiyon ay ang gahiganteng Christmas tree na umaabot daw sa taas na 30-feet o halos tatlong-palapag! Pinalalamutian ito ng blue and silver Christmas balls at mga laruang ballerina. At para makumpleto ang Christmas experience, may fog machine pa sa loob ng bahay na may halong pabango! Ngayong Pasko raw ay extra special dahil kasama niyang magdiriwang sa unang pagkakataon ang kaniyang twins na sina Prince Synne at Prince Sean.    

Si Dr. Cecilio Pedro naman na may-ari ng Happee Toothpaste ay happy din ngayong Pasko. December 1 daw sila nagsisimulang maglagay ng dekorasyon at tumatagal ito hanggang January 31. Pero ang mga dekorasyon niya, kahit mukhang mahal, sa Divisoria lang pala niya binibili. Tulad na lang ng mga laruang Santa Claus, Christmas trees at neon lights. Pero ang pinakamatandang dekorasyon nila ay ang main Christmas tree na 16 years old na! Bukod sa tradisyon ng pagsasabit ng dekorasyon, naging tradisyon na rin ng pamilya Pedro ang pamimigay ng mga produkto ng kanilang kumpanya sa mga nangangailangan, tulad na lang sa mga nasalanta ng Bagyong Pedro kamakailan lamang.    

Sa pagbabalik naman ng Powerhouse sa bahay ng mag-inang Vicky at Cristalle Belo, pansin agad ang mas tradisyunal na Christmas decorations. Red, white and silver ang color motif na makikita sa kanilang modern-Asian home. Ayon kay Cristalle, mahilig daw silang mag-recyle ng mga dekorasyon, kaya naman kaunti lang ang mga bagong bili dito. Pero ang pinaka-kapansin-pansin sa lahat ay ang mga magagandang dekorasyong nakasabit sa Christmas tree na inspired daw ng red crystals na nakita ni Vicky sa Moscow, Russia. Pero higit sa pagpapaganda ng bahay, mahalaga raw kay Cristalle ang pagbibigay ng saya tuwing Kapaskuhan. Kaya naman naghahanda sila ng mga basket na may lamang pagkain na ipinamamahagi nila sa mga batang lansangan.    

Pasko ng mga sikat na negosyante sa Powerhouse, Martes, 8PM sa GMA News TV.