ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Mga negosyante sa likod ng ating mga paboritong pasalubong, tampok sa Powerhouse
Mga negosyante sa likod ng ating mga paboritong pasalubong, tampok sa Powerhouse!
Airing Date: January 8, 2013
Isang napakatamis na episode ang dapat abangan sa Powerhouse ngayong Martes tampok ang mga paboritong pasalubong ng mga Pinoy, ang Buko Pie ng Colette’s at ang Lengua de Gato ng Tartland.
Unang bibisitahin ng Powerhouse ang bayan ng San Pablo kung saan isinilang ang pinakamalaking pangalan kapag Buko Pie ang pinag-usapan. Ipinangalan ni Plaridel “Ed” dela Cruz ang kaniyang negosyo sa kaniyang unica hija na si Ruby Nicole na may palayaw na Colette. Hindi raw siya nagkamali dahil mukhang masuwerte ang pangalan ng anak. Sa halagang limanlibong piso, naitayo ni Ed ang kauna-unahang tindahan ng Colette’s noong 1989. Maraming trial and error daw ang naranasan niya bago nakuha ang recipe ng perpektong Buko Pie! Ngayon, isa na ito sa pinakamabentang pasalubong hindi lamang sa Luzon kundi maging sa Visayas at Mindanao.
Sa kaniyang house tour, ipakikita ni Ed ang bunga ng kaniyang paghihirap. Halos lahat ng kagamitan niya sa bahay ay antigo at gawa sa narra. May koleksiyon din siya ng mga gamit mula sa World War I at II, at maging fish paintings na nagdadala raw ng suwerte. May koleksiyon din siya ng mga kagamitang gawa sa brass na karamihan ay galing pa sa Mindanao.
Samantala, kung gaano ka-tradisyunal ang bahay ni Ed, ganoon naman ka-moderno ang tahanan ni Angelita “Angie” dela Cruz, ang negosyante sa likod ng napakasarap na Lengua de Gato ng Tartland. Ang 1,000-square meter modern country home niya sa Baguio ay dinisenyo niya mismo. Imbes na antigong kahoy, pawang New Zealand pine ang ginamit sa mga wood panel nito. Sa buong paligid, kapansin-pansin ang pagiging functional ng disenyo, tulad na lang ng mga shelves na hagdan rin pala! At siyempre, hindi matatawaran ang tanawin mula sa master’s bedroom kung saan araw-araw ginigising si Angie ng pagsikat ng
araw.
Hindi inaasahan ni Angie na ang negosyo niya na nagsimula sa patapong egg white ay magiging patok sa mga turistang nagpupunta sa Baguio. Siya mismo ang nag-research ng mainam na recipe sa paggawa ng Lengua de Gato. At dahil hindi nagtitipid sa sangkap, malalasahan ang kalidad sa bawat kagat ng masarap na biskwit. Ang resulta, isang pasalubong na binabalik-balikan ng mga mamimili.
Tikman ang kakaibang sarap at tamis ng mga paboritong pasalubong ng Pinoy kasama si Mel Tiangco sa Powerhouse, Martes, 8PM sa GMA News TV.
More Videos
Most Popular