Singing power couple Robert Seña at Isay Alvarez, bibisitahin ng Powerhouse
Ang singing power couple na sina Robert Seña at Isay Alvarez ang bibisitahin ni Mel Tiangco sa Martes sa Powerhouse.
Bagamat halos magkasabay na nag-aral sa University of Sto. Tomas noong kolehiyo, sa entablado na nagtagpo ang landas nina Robert at Isay. Sa musical na Miss Saigon nahulog ang loob nila sa isa’t isa. At matapos ang maikling ligawan sa London, nagpasya silang magpakasal… nang dalawang beses! Mula noon, hindi na napaghiwalay ang dalawa hanggang makabalik sa Pilipinas at makabuo ng pamilya.
Ang tahanan nina Robert ay Isay ay eksaktong kopya raw ng nasunog nilang ancestral house. Mula hagdanan sa labas ng bahay, hanggang sa layout sa loob, hindi nagtipid ang dalawa para makuha ang gustong disenyo. At dahil likas na matindi ang pagmamahal sa Filipino design, halos lahat ng gamit at palamuti nila ay proudly Philippine-made. Karamihan nga sa mga muwebles ay galing pang Ilokos. At ang mga fixtures at kahoy na ginamit ay galing naman sa mga mga “tinastas” na lumang bahay. Namumukod-tangi rin ang mga obra ng Ilokanong pintor na si Randy Llazo na gumagamit ng recycled wood bilang kaniyang canvas.
Huwag palampasin ang pagsilip sa makulay na buhay nina Robert Sena at Isay Alvarez sa Powerhouse, Martes, 8PM sa GMA NewsTV.