ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Queen of Underacting Jaclyn Jose on 'Powerhouse'


Airing date: November 26, 2013/8 PM

Paano ba umarte nang parang hindi ka umaarte?  Alamin ngayong Martes sa Powerhouse, samahan si Kara David sa isang masayang kwentuhan kasama ang tinaguriang Queen of Underacting, ang beteranang aktres na si Jaclyn Jose.

Ipakikita ni Jaclyn ang kanyang tatlong palapag na bahay bakasyunan sa Laguna na siya mismo ang nagdisenyo. Japanese at minimalist ang temang napili niya. Mayroon siyang mini-gazebo at sarili niyang vegetable garden.


Ipinanganak sa Pampanga si Jaclyn. Dating singer sa isang bar ang kanyang nanay samantalang isang German-American na sundalo naman ang kanyang tatay.  Kahit noong bata pa siya, ni minsan ay hindi raw sumagi sa isip niya ang pag-aartista. Kuntento na raw siya sa pagiging production assistant o dakilang alalay sa kanyang artistang kapatid na si Veronica Jones. Hanggang sa sapilitan siyang sinali ng kanyang nanay sa isang talent search. Dito na nagsimula ang kanyang karera sa mundo ng  show business.
 
Nakilala si Jaclyn sa kanyang kakaibang akting o akting daw na walang emosyon. Ayon sa kanya nakuha niya raw ito sa mga nakatrabaho niyang direktor tulad nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Chito Rono at ang manunulat na si Ricky Lee.
 
Tahimik ang personal na buhay ni Jaclyn hanggang sa  isang matinding problema ang dumating sa kanyang pamilya nang mabuntis ang kanyang anak na si Andi. Masakit man ang nangyari, magkasama nilang hinarap ang pagsubok na ito.

Sa ngayon, tapos na ang unos sa buhay nila. Isang malaking biyaya naman ang idinulot nito --ang kanyang apong si Ellie na lubos na nagpapasaya sa kanya.
 
Samahan si Kara David pasukin ang bahay at mas kilalanin ang tunay na si Jaclyn Jose ngayong Martes, ika-walo ng gabi sa GMA News TV.