ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kuh Ledesma on 'Powerhouse'


Powerhouse
Kuh Ledesma
Date of Airing: April 16, 2014
11:15 PM on GMA-7

 


"Hindi ako malalaos!" Mailap sa interviews si Kuh Ledesma pero kapag nagsalita, diretso kung sumagot ang tinaguriang Pop Diva ng bansa.
 
Sa isang pambihirang pagkakataon, bubuksan ni Kuh ang kanyang bahay at personal na buhay sa host ng programang "Powerhouse" sa GMA-7 na si Kara David.
 
Sa Indang, Cavite matatagpuan ang apat na ektaryang Hacienda Isabella na pagmamay-ari ni Kuh.  Isinunod ang pangalan nito sa kaisa-isa niyang anak na si Isabella. Mahilig si Kuh sa antique at kagamitang makaluma ang tema. Sa katunayan, mula sa lumang kahoy sa mga ginigibang bahay, nagpapagawa siya ng mga furniture na siya mismo ang nagdi-disenyo.  Bukod sa mga antique, marami ring makikitang framed bible verses na nagpapakita kung gaano karelihiyosong tao si Kuh.
 
Romantiko ang dating ng buong hacienda kaya naman maraming kaibigan ni Kuh ang nag-udyok na buksan niya ito sa publiko. Sa ngayon, maraming idinaraos na kasal, team building, at naging bed and breakfast na rin ang noo'y pinangarap lang niyang farm house.
 
Mayaman at sosyal ang kadalasang role ni Kuh sa telebisyon at pelikula pero sa totoong buhay ay nagmula siya sa isang lower middle class na pamilya. Ang kasipagan niya noong bata pa siya  ang nakatulong para umangat siya sa buhay. Nursing ang kursong kinuha ni Kuh kahit na Arkitektura ang gusto niya. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay nadiskubre si Kuh bilang isang singer ng banda. Doon na nagsimula ang kasikatan ni Kuh bilang mang-aawit.
 
"Ang pinaka-importante para sa akin, para hindi mo masayang iyong mga taon na pinipilit mo 'yung gusto mo sa buhay mo, seek God and His plans for you kasi tayong lahat may kanya-kanyang plano ang Diyos," ito ang payo ni Kuh sa mga gusto ring magtagumpay tulad niya.
 
Sa kanilang kwentuhan ni Kara David, may mga intriga siyang sasagutin tungkol sa role niya bilang ina ni Tom Rodriguez sa My Husband's Lover.  Bakit nga ba ayaw niyang sampalin si Carla sa isang eksena? Anti-poor nga ba siya? Pati ang isyu tungkol sa pagiging lesbiyana raw niya ay bibigyang  linaw ni Kuh.
 
Pero higit sa mga intriga, isang naka-i-inspire na Kuh Ledesma ang dapat abangan: "Hindi ako malalaos. Walang laos na anak ng Diyos. Lagi ka niyang gagamitin, kapag magpapagamit ka kay Lord, bibigyan ka niya ng kalusugan, bibigyan ka ng lahat ng pangangailangan mo. Lagi kang sikat, parang sikat ng araw."
 
Samahan si Kara David sa isa na namang episode ng "Powerhouse" na punong-puno ng aral at inspirasyon sa buhay kasama si Kuh Ledesma ngayong Miyerkules, April 16, ng gabi pagkatapos ng Saksi.