ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Gasoline boy turned real estate owner sa 'Powerhouse'




POWERHOUSE
REYNALDO CARPIO
Date of Airing: September 24, 2014


Isang dating gasoline boy at mekaniko, ngayon, isa na siyang milyonaryo na nagmamay-ari ng sariling real estate company. Ngayong Miyerkules sa Powerhouse, kilalanin ang negosyanteng si Reynaldo Carpio.

Mula Kalinga ay nangarap si Rey na maging isang Manila boy. Nakitira siya sa isang kamag-anak at namasukan sa iba't ibang trabaho: kargador, janitor, gasoline boy at mekaniko.

Dahil sa pagiging working student, nakapagtapos siya ng kursong Engineering. Namasukan sa isang construction company kung saan niya natutunan ang pasikut-sikot ng real estate business. Sa edad na 27, kinita na niya ang kanyang unang milyon!

Ang dating nakikitira lang sa kanyang tiyahin, ngayon ay nagmamay-ari na ng sarili niyang real estate company—ang Grand Monaco Homes.

Ang  pangalang "Grand Monaco" ay  nakuha niya raw nang magpunta siya sa Monaco . Nagustuhan niya kasi ang mga arkitektura ng lugar kaya ang engrandeng disenyo na kanyang nakita ay dinala niya mismo sa kanyang tahanan. Tila palasyo nga ang kabuuan ng kanyang bahay—maroon, red, at yellow ang mga naghaharing kulay sa kanyang Mediterranean-inspired na tahanan.

 Isa lang daw ang bisyo ni Rey ngayon at ito ay ang pagbili ng mga sasakyan. Mula nang makaangat sa buhay, kada taon daw ay nireregaluhan niya ang sarili ng sasakyan. Sa ngayon ay may 15 sasakyan siya at ilan sa mga ito ay Range Rover, Mustang, at Porsche na milyun-milyon ang halaga. Pero hindi lang sasakyang panlupa ang mayroon si Rey, may sarili na rin siyang helicopter!

"Habang ikaw naman ay kumikilos, ang Diyos naman ay hindi natutulog. Alam naman Niya  kung sino ang tutulug-tulog  at ‘yung  talagang masikap." Para kay Rey, marami raw ang masipag pero kulang sa diskarte. Diskarte raw ang nagdala sa kanya sa matagumpay na buhay.

Matuto at kumuha ng inspirasyon sa kwento ni Rey Carpio ngayong Miyerkules sa Powerhouse, 4:35 ng hapon sa GMA-7.