ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Buhay at bahay ni Abra, sisilipin sa 'Powerhouse'




Kakaiba raw ang nararamdaman ni Abra tuwing nakapagsusulat siya ng kanta. High school siya nang nagsimulang  gayahin ang mga idol niyang rapper gaya nina Eminem, Gloc 9, Ron Henley at  Francis Magalona.  Natutuwa raw siya kapag nagagawa niyang magsalita nang mabilis. Kasama sa grupong Lyrically Deranged si Abra, at isa sa mga naunang battle emcee-rappers sa mundo ng Fliptop, kung saan siya tunay na sumikat. 2012 nang ilabas ni Abra ang kantang "Gayuma” na tunay namang pumatok di lamang sa mahihilig sa alternative hiphop. May sarili din siyang Youtube channel,  ang "Abra TV",  kung saan mapapanood ang  kanyang music videos at collaboration sa ibang artists. Sa takbo ng kanyang karera ngayon, hindi maipagkakailang lalo pang kikinang ang kanyang bituin.

Payo ni Abra kapag sasabak sa isang rap battle, ilagay sa utak lahat ng mali sa sarili para handa at hindi mapikon. Kung hindi siya inaasar sa pagiging "anak-mayaman," madalas raw tuksuhin si Abra na “bakla" sa rap battle dahil no girlfriend since birth daw siya. Ano nga kaya ang dahilan kung bakit sa dami ng fans niyang babae, single pa rin ang baby-faced rapper?



Mag-iisang taon nang nakatira si Abra sa isang townhouse kasama ang kanyang mga kaibigan.  Nasa tamang edad na raw siya para bumukod sa kanyang mga magulang. Sa bahay na ito mas madali siyang makapagsulat ng  kanta. Dahil walang kasambahay ay mas natuto raw si Abra sa buhay at natuto ng mga gawaing bahay. Karamihan ng mga gamit ay pinag-ambagan daw nilang magkakaibigan. Sa unang palapag makikita ang sala at dining set. May maliit ding tambayan sa likod ng kanilang bahay. Kapansin-pansin ang kanilang refrigerator na puno ng stickers.  Sa ikalawang palapag naman matatagpuan ang apat na kuwarto. Sa kuwarto ni Abra, nakatago ang koleksyon nito ng baseball caps na bigay pa raw ng kanyang mga tagahanga. Makikita rin dito ang ilang tropeo, mga libro at collectibles. Sa ikatlong palapag naman ang kanilang roofdeck.









Ngayong Miyerkules, silipin ang buhay sa “crib" ng isang bona fide Pinoy Hiphop star at alamin ang kuwento ng tagumpay ni Abra kasama si Kara David sa Powerhouse. 
Tags: pr, plugstory