ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Musika, pag-ibig at kuwento ng buhay ni Abra


Mapapanood ang Powerhouse tuwing Miyerkules, 4:50 PM sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon sa programa, sundan kami sa Facebook at Twitter. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
 



Sa takbo ng karera ni Raymond Abracosa o mas kilala bilang si Abra, hindi maipagkakailang lalo pang kikinanang kaniyang bituin, ngunit aminado siya na hindi naging madali ang kaniyang pinagdaanan bago nakamit ang tagumpay.

Saan nagsimula ang lahat

 


 

Bago pa man makilala sa kaniyang musikang nilikha at ni-rap, una nang nagpasikat si Abra sa Fliptop battles o Sunugan.

Ang Fliptop o Sunugan ay isang underground group ng hiphop artists o battle emcees. Dalawang artists na nagra-rap, nagsasagutan at nagpapagalingan ng patutsada sa kalaban na may halong asaran.


Marami ang tumutuligsa rito dahil hindi naman daw ito lehitimong paraan ng pakikipag-balagtasan, ngunit para kay Abra, ang pag-Fliptop ay dapat tanggapin bilang isang makabagong uri ng sining.


“Hindi natin sila masisisi kasi iba ang nakikita nila. Pero ‘yung iba talagang ginagalingan nila ‘yung battle doon mo makikita mo kung gaano kahusay,” paliwanag ni Abra.

Dagdag pa niya, hindi biro ang maging isang Fliptop artist sapagkat kailangan mabilis ang iyong pag-iisip at dapat bantay-sarado ang iyong emosyon. Sa larangan kasing ito, bawal ang pikon.

“Ilagay mo na sa utak mo lahat ng mali mo sa sarili mo dahil pag narinig mo doon tapos hindi ka handa maaari kang matrobol,” kuwento niya.

Bakit nga ba single pa si Abra?

Kung hindi siya inaasar sa pagiging "anak-mayaman," madalas daw tuksuhin si Abra na “bakla" sa rap battle dahil no girlfriend since birth daw siya. Sa dinami-dami naman kasi ng kaniyang babaeng fans, hanggang ngayon wala pa ring love interest ang baby-faced rapper.

Paliwanag ni Abra, hindi naman siya pihikan, sadyang hindi niya pa lang daw natatagpuan ang taong nilikha ng Maykapal para sa kaniya. Paano ba naman kasi, sa sobrang busy ng musikero, mahirap daw pagtuunan ng oras ang pag-ibig.

“Iba-iba ‘yung takbo ng buhay ko eh. May panahon na tinotorpe ako, may panahon na basted ako. May panahon na masaya at ano, ‘Ayos to ah ba't parang oo nga solid ‘yung buhay.’ Tapos may panahon na ‘Ay wala akong panahon sa ganyan masyado atang busy,” kuwento ni Abra.

Ngunit ngayon, hindi man niya lubusang aminin, tila meron ng dilag na pumukaw ng kaniyang atensyon.

“Bahala na kung anong mangyari. Basta sang-ayon lang ako kung ano gusto ng kalawakan.”

From fliptop sensation to recording artist
 


Mula sa pagiging underground artist unti-unting napasok ni Abra ang mainstream industry. Ang awitin niyang "Gayuma" ay kinilala bilang "Best Urban Video at Favorite Music Video” sa Myx Music Awards 2013. Nanalo rin ito bilang Best New Artist, Best Collaboration at People's Choice Awards sa Wave 89.1 Urban Music Awards 2013.

Sa kabila ng kaniyang kasikatan na natamo, aminado si Abra na hindi naman daw talaga siya marunong kumanta.

“Kung ako mismo aabutin ko ‘yung mga high octave na ‘yan mukhang mahihirapan tayo diyan. Dinadala ko na lang sa “Okay lang ‘yan rapper na lang,” pagbibiro ni Abra.

Hindi man daw mahusay kumanta si Abra, sa pagsusulat naman ng liriko niya ibinubuhos ang kaniyang pagmamahal sa musika. Kakaiba raw ang nararamdaman niya tuwing nakapagsusulat siya ng kanta.

“Hindi naman siya para sa kumita, para sumikat, kundi talagang ginagawa ko siya dahil gusto ko siyang gawin.”

Bukod sa “Gayuma,” minahal din ng masa ang kaniyang mga ibang awiting sinulat gaya ng “Diwata” at “Ilusyon.”

Mga pagsubok ng Pinoy musicians

Aminado si Abra na hindi biro ang mundo na kaniyang pinasok, hindi naman kasi kaila sa atin na tila walang pera sa musika. Bukod pa rito, marami rin ang nagsasabi na “O.P.M. is dead.” Bagama’t hindi naniniwala si Abra na patay na ang industriya ng O.P.M., aminado siya na sadiyang mahirap itong gawing kabuhayan.

“Walang pera, lalo na nung time noon, walang-wala talaga. Maggi-gig ka, sa pagkain masaya ka na. Poproblemahin mo pa ‘yung transpo.”

Hindi rin maiwasan ni Abra na kuwestyunin ang uri ng musikang tinatangkilik nating mga Pinoy. Nakakapagtaka raw kasi na kung sino pa ang mga tunay na may talento, sila pa ang hindi kumikita.


“Bakit ‘yung sitwasyon ng music industry dito kailangan nagugutom ‘yung mga artist, lalo na ‘yung magagaling na mga artist. Tapos ‘yung mga kadalasan na sumisikat na iba ‘yung mga hindi naman karapat-dapat. Ilabas natin ‘yung tunay na music hindi ‘yung parang puro ano lang, papogi, pa-tweetums-tweetums.”

What is next for Abra?

 


Sa kabila ng lahat ng pagsubok ng pagiging isang musikero sa Pilipinas, para kay Abra, wala siyang pagsisisi sa kaniyang piniling landas. Bagama’t malayo na ang kaniyang narating, para sa kaniya, siya ay nagsisimula pa lamang.

“Marami pa, actually tingin ko parang masyadong mabigat ‘yung ibinagsak na atensiyon o kasikatan kuno.”

Alam niya rin na nakapatong sa kaniyang balikat ang mabigat na responsibilidad na maging ehemplo sa mga gustong pumasok sa industriya ng musika sa pamamagitan ng rap. Hinding-hindi naman aatras si Abra sa hamon na ito, bagkus, buong puso niya itong isasabuhay at dadalhin kasama ng kaniyang mga pangarap.

“Basta ako kung hanggang saan kaya mag-rap, magra-rap. Dahil araw-araw may inspirasyon.” —Kimberlie Refuerzo/BMS, GMA Public Affairs