ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Ang awit ng tagumpay ni Mark Bautista, tampok sa 'Powerhouse'

Sa tuwing tatapak daw si Mark Bautista sa entablado para kumanta, hindi niya raw nakakalimutan na maglagay ng barya sa kanyang medyas. Ito raw ang nakapagpapawala ng kaba sa kanya . Mahiyain daw talaga si Mark noong bata pa siya pero pinilit siya ng kanyang ina na kumanta dahil nakakitaan raw siya ng potensyal.
Nang yayain ng kaibigan na sumama sa Cebu mula Cagayan de Oro para sa isang audition sa talent show na Star for a Night, hindi niya ito pinalampas. Dahil kapos din sila noon ay napilitan siyang sumakay sa cargo ship makarating lang sa Cebu. Nang makapasok sa weekly finals, sumakay ulit ng cargo ship si Mark papuntang Maynila naman. Dito nasuklian ang kanyang sakripisyo nang maging runner-up sa grand finals. Pero higit pa raw ang exposure na nakuha niya rito. Dito rin niya nakilala si Sarah Geronimo na minsan din niyang niligawan.
Nagsimula sa pagkanta, lalo pang nakilala si Mark nang magkaroon ng ilang pelikula. Ang kaniyang pag- arte hindi lang pang- telebisyon, dahil hanggang sa teatro ay napabilib din ang lahat kay Mark. Kabilang sa musical plays ni Mark ay ang Noli Me Tangere, Full Monty, Here Lies Love, at Bituing Walang Ningning The Musical.
Architecture ang kinuhang kurso ni Mark noong kolehiyo pero hindi niya ito natapos. Sa kaniyang dalawang palapag na tahanan na may lawak na 200 square meters at may temang modern minimalist, ibinuhos ni Mark ang kanyang hilig sa pagdidisenyo. Siya mismo ang may ideya sa pagpili ng mga furniture, paggawa ng spiral stairs at railings. Sa loob ng kanyang kuwarto matatagpuan ang kanyang revolving closet. Hindi raw nalalayo sa kama na makikita sa hotel ang custom made bed ni Mark. Hobby rin niya ang pagpipinta kaya naman naka-display rin ang kanyang mga obra.

Maliban sa kanyang mga kapatid, kasama rin ni Mark sa bahay ang kanyang alagang aso na si Cottony. Tahimik daw ang lovelife ni Mark ngayon pero madalas siyang i-link sa mga beauty queen.
Ngayong Miyerkules, kilalanin ang Pop Heartthrob ng Pilipinas na si Mark Bautista kasama si Kara David sa Powerhouse.
More Videos
Most Popular