ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang nag-iisang 'Hari ng Three Points' na si Allan Caidic, ipapasilip ang tahanan sa 'Powerhouse'



Sa kasaysayan ng Philippine Basketball Association wala pa raw nakakatalo sa record ng basketbolistang si Allan Caidic, ang hari ng three-point shots. Siya lang naman ang nag-iisang Pilipino na nakagawa ng 79 points  sa loob ng isang game sa PBA.  Dahil sa kanyang angking galing sa paglalaro ng basketball, kinilala si Allan bilang "The Greatest Shooter in PBA History" at dahil sa galing umasinta, siya rin ang nag-iisang “Triggerman” sa mata ng basketball fans. 


Sa unang paglalaro ni Allan ng basketball sa kolehiyo ay madalas daw siyang nababangko, pero nang sa kanya naihagis ang bola, hindi na raw niya pinalampas ang pagkakataon na gumawa ng marka. Kaya naman nang maglaro na si Allan sa PBA noong 1987, siya ang itinanghal na "Rookie of the Year". Naging matagumpay si Allan sa basketball pero 1997 nang manganib hindi lang ang kanyang karera kundi ang kanyang buhay sa loob mismo ng hard court. Nai-injure siya nang magharap ang San Miguel Beermen at Gordon's Gin. Ilang minutong nakahandusay at hindi makagalaw si Allan na natunghayan ng buong bansa nang live sa telebisyon. Marami ang nabahala sa naturang pangyayari at may mga kontrobersya pang umusbong dito. Paano nga ba hinarap ni Allan ang pagsubok na ito sa kanyang buhay? 

Sa Cainta, Rizal matatagpuan ang dalawang palapag na tahanan ni Allan. Ang kanyang misis daw na si Malotte ang naging interior designer ng kanilang  bahay. Hindi magarbo ang mga kagamitan sa loob na repleksiyon daw ng kanilang buhay. Sa halip na bola ay vodka ang kinokolekta ni Allan pero hindi raw niya ito iniinom. Nag-umpisa lang ito nang makatanggap ng mga regalong inumin mula sa mga kaibigan kaya itinuloy na niya ang pangongolekta nito.

Sa ikalawang palapag naman ay matatagpuan ang mga tropeo at ibang parangal na nakuha niya sa paglalaro ng basketball. Dito rin makikita ang koleksyon ni Allan ng mamahaling sasakyan na Hummer pero mga diecast lang ang mga ito. Karamihan sa mga laruang sasakyang ito ay regalo sa kanya o kaya binili sa pa abroad. 

Retirado na si Allan sa PBA pero aminado siya na nakakabit na sa bituka niya paglalaro ng basketball. Sa kasalukuyan, si Allan ang nagsisilbing assistant coach ng De La Salle Green Archers. Dito niya naibabahagi ang kanyang galing sa laro lalo na sa pag-shoot ng 3- points. 
 
Ang bahay at tagumpay ng "The Triggerman" na si Allan Caidic ang sisilipin ni Kara David ngayong Miyerkules sa Powerhouse. 

 
 
 
Tags: plug