ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang isa sa pinakamalaking mansyon sa Benguet, ipapasilip sa 'Powerhouse'


Pag nakita mo ang mansyon niya sa bulubundukin ng Benguet, aakalain mo bang nanggaling sa hirap si Richard Pooten?

Isang Igorot  na lumaki sa Mountain Province si Richard Pooten. Parehong public school teacher ang kanyang mga magulang at siya ang panganay sa limang magkakapatid. Para makatulong sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid ay nagtatanim at nangunguha ng kahoy si  Richard. Abogasya ang landas na gusto niyang tahakin noon kaya kumuha siya ng kursong Political Science. Nakapagtapos man siya, naudlot ang pangarap nang magtrabaho siya bilang pulis sa Baguio. 
 
Dahil sa pag-ibig, nagdesisyon si Richard na  sundan ang kanyang asawa na isang nurse sa London. Naging service crew siya sa isang pizza parlor hanggang sa naging manager. Nang makaipon ay nagtayo na rin silang mag-asawa ng sariling pizza parlor sa isang  clinic para sa mga may kapansanan sa pag-iisip. Lumago ang kanyang negosyo at itinayo ang Pooten Forwarding International, isang courier company na nakabase sa London. 
 
Sa kagustuhan ni Richard na makatulong sa kanyang mga kababayan sa Mountain Province ay nagpaplano siyang magpatayo ng linya ng kuryente  gamit ang renewable energy.
 
2008 nang ipinatayo ni Richard ang  mansyon ng kanyang pamilya sa Asin, Benguet. Ang anak ni Richard ang nagdisenyo ng tatlong palapag  nilang tahanan sa tulong ng isang arkitekto mula sa Mountain Province.  Ang sofa ay galing pa sa Ingglatera.  Bubungad din  ang koleksyon ng asawa ni Richard na mga historical  hand-painted plate na naka- display sa bahay. Artikulo at larawan ng mga Igorot  na kinunan sa iba't ibang parte ng mundo naman ang koleksyon ni Richard at tinuturing niyang pinakamahalagang  kayamanan sa loob ng kanyang tahanan. Ang dining table at chairs naman  ay gawa ng kapwa Igorot. Kapansin-pansin ang tatlong chandelier sa sala na gawa sa Aurora Borealis na kristal.  Malaysian wood naman ang ginamit na kahoy sa kusina ng  Pamilya Pooten.  Mayroon ding authentic na Igorot hut sa labas ng bahay na minsan nang na-exhibit sa British Museum. Ang tubig sa kanilang swimming pool ay mula pa sa hot spring sa bundok. 2013 nang naisipan ng pamilya na buksan ito sa publiko at ginawang Pooten Resort dahil bihira na raw umuwi ang Pamilya Pooten mula sa London.



Tunghayan ang kuwento ng tagumpay ni Richard Pooten at libutin natin ang kanyang Mansion in the Sky kasama sa Kara David ngayong Miyerkules ng hapon sa Powerhouse.


Tags: pr