Ang rags to riches na kuwento ng buhay ni Hazel Timonera, tampok sa 'Powerhouse'
Noong nakaraang linggo, ipinakita ng bida ng Destiny Rose na si Ken Chan ang kanyang bahay, ngayon makikilala natin ang mistulang Destiny Rose sa totoong buhay.

Maganda, matalino at mayaman. Sino ang mag-aakala na ang magandang nilalang na ito na nagpundar ng matatagumpay na business ay dating natutulog sa karton at dati palang lalaki?
Wala na raw maitatago si Hazel Timonera sa kanyang kasarian dahil nabago na raw ito. Elementary pa lang daw ay nagkaka-crush na siya sa lalaki kaya alam na niya sa sarili niya na babae raw siya. Pero hindi raw madali ang pinagdaanan niHazel noon dahil kinakailangan pa niyang mag-ayos ng panlalaki at itago ang bra na suot niya. Nang lumayas si Hazel noong 13 taong gulang, nagpalipat-lipat daw siya ng bahay at nakikitira lamang sa mga kaibigan. Mula noon ay binuhay na niya ang sarili sa pamamagitan ng pagsali sa beauty pageants hanggang sa makarating sa Japan at doon na nagtrabaho.
Business-minded naman daw si Hazel kaya habang nagtatrabaho siya bilang entertainer ay nagluluto rin daw siya at ibinebenta ito. Nang makaipon ay bumalik siya sa Pilipinas at nagtayo ng dental clinic bilang pasasalamat na rin sa kaibigang dentista na tumulong sa kanya noon. Nakapagtrabaho siya bilang ramp at print model sa Macau at Shanghai. 20 taong gulang siya nang magpunta sa Thailand at tuluyang sumailalim sa sex reassignment surgery. Mula noon, hindi na raw nalalayo ang mukha at hubog ni Hazel sa totoong babae.


Dahil sa pagtitiyaga ni Hazel ay nakapagpundar siya ng isang bahay sa Dasmarinas, Cavite. Ipasisilip ni Hazel ang pinakapaborito niyang parte ng kanyang tahanan, ang jacuzzi. Mahilig sa mamahaling bag si Hazel at isa sa pinakamahal na bag na kanyang nabili ay ang Hermes bag na katulad daw ng ibinigay ni Pacman kay Mommy Dionisia. Halos kalahating milyon ang presyo nito, katumbas ng halaga ng isang kotse. Bilang modelo, may tips din siyang ibabahagi sa pagsusuot ng damit tuwing dadalo sa party o pupunta sa opisina. Bukod sa bahay ay nakapagpundar din si Hazel ng salon sa Bonifacio Global City. Mas nakatitipid daw siya dahil hindi na siya nagbabayad sa salon para sa kanyang regular hairstyle. Siya rin daw mismo ang model sa leaflets ng kanyang salon. 

Kapansin-pansin daw ang magandang kutis ni Hazel kaya naman sinisiguro raw niya na naalis ang kanyang make-up bago matulog. Ang pag-inom ng green tea ay nakatulong din sa kanya para mapanatiling seksi ang katawan. 

Tagumpay man sa buhay ay naging mapait naman ang karanasan ni Hazel sa buhay pag- ibig. Ikukuwento niya ang naging on and off relationship niya sa Starstruck alumnus na si Bugz Daigo na nauwi rin sa tuluyan nilang paghihiwalay. Sa ngayon ay single pa rin si Hazel, handa na ba siyang buksan muli ang kanyang puso? 
Paano kaya niya nalipol lahat ng balakid sa kanyang mga pangarap? Saan kaya galing ang kanyang tibay ng loob? Ngayong Miyerkules, 5:20 ng hapon, kumuha tayo ng inspirasyon sa matagumpay na negosyante na si Hazel Timonera kasama si Kara David sa Powerhouse.