ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang pangalawang pagkakataon sa musika ni April Boy Regino, tampok sa 'Powerhouse'



Dekada nobenta nang sumikat si April Boy Regino bilang Jukebox King. Dahil sa kanyang mga awiting may tema ng  pag-ibig ay naabot niya ang inaasam-asam na kasikatan. Bata pa lamang daw si April Boy ay mahilig na siyang sumali sa mga amateur contest. Ang kaniyang ina ang sumuporta sa kanilang magkakapatid para sumabak sa mundo ng recording. Sa katunayan, si Nanay Lucy rin ang namuhunan sa una nilang album. Hindi raw naging madali ang pagbebenta nito pero ang dating FM disc jockey na si Mike Enriquez daw ang  nagbigay ng break sa kanila nang patugtugin nito ang kanilang kanta. Ano kaya ang sikreto kaya naging most requested songs ang mga awitin  ni April Boy? Ano ang masasabi niya sa mga nagsasabi na baduy raw ang mga kanta niya? 


Kung dati raw ay hinihiling ni April Boy na makaahon sa kahirapan, ngayon naman daw ay iba na raw ang panalagin niya. 2009 nang ma-diagnose siya ng prostate cancer at diabetes. Matapos gumaling sa cancer ay nagkaroon naman siya ng congestive heart failure na nagpalala sa kanyang diabetes. Naging matigas daw ang ulo ni April Boy at  bumalik sa pag-iinom. Dahil dito ay pumutok ang mga ugat sa kanyang mga mata at naging sanhi ng pagkabulag niya. 



Naging madilim man ang kaniyang naging buhay kamakailan, nabigyan pa rin daw ito ng  liwanag nang muling magbukas ang pinto ng pagkanta sa kanya. Sa halip na love songs  ay inspirational songs na ang kanyang kinakanta ngayon.  Ang bago niyang  album na "Tanging Hiling " ang isa sa mga biyaya sa kanya ngayong taon. Bukod dito ay may iba pa siyang negosyo na pinagkakaabalahan. 

Isang tatlong palapag na bahay ang naipatayo ni April Boy  simula nang makapagtrabaho siya bilang singer sa Japan. Mahigit isang dekada nang nakatayo ito sa Marikina. Ang asawa ni April Boy na si Madel ang mismong nagdisenyo nito.






Sa ikalawang palapag matatagpuan ang silid ng mag-asawa. Hindi raw maikakaila na isang musikero ang nakatira rito dahil sa mga iba't ibang instrumento pang-musika.



Pinuno naman ng awards at ilang memorabilia ang ikatlong palapag. Nandun din ang poster ng kanyang pinagbidahang pelikula  na "Super Idol" at isang jukebox. Dito rin naka-display ang sandamakmak na caps ni April Boy na inireregalo raw sa kanya ng mga kaibigan. May billiard table at chess set din doon kung saan sila naglalaro ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.





Ngayong Miyerkules, bisitahin natin ang tahanan at kumustahin ang nag-iisang "Jukebox Idol" April Boy Regino kasama si Kara David sa POWERHOUSE, Miyerkules 5:20 ng hapon sa GMA.
 
 
Tags: pr, prstory