ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Tahanan ni British Ambassador to the Philippines Asif Ahmad, tampok sa 'Powerhouse'


 


Abala ang bansa sa Asia-Pacific Economic Cooperation Summit dito sa Pilipinas ngayong linggo. Hindi man kabilang sa APEC, malaki naman ang papel na ginampanan ng United Kingdom sa kasaysayan ng ating bansa at sa kasalukuyan nating ekonomiya. Hindi alam ng maraming Pilipino na sa loob ng dalawang taon, noong 1762 hanggang 1764, ay hawak ng Britanya ang kabisera ng bansa. Ngayon, isa ang UK sa pinakamalakas na kaalyado ng Pilipinas. Marami sa ating mga kababayan ang pinipiling mag-aral o kaya ay magtrabaho sa UK dahil na rin sa pagkakapareho ng ating salita. Ang UK naman, kinikilala ang Pilipinas na isa sa mga mahahalagang bansa sa Asya at sa mundo. Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa anim lamang na bansa sa mundo na tinaasan ng UK ng budget para sa diplomasya at makikipagkaibigan. Lumalaki rin ang interes ng United Kingdom sa bansa sa larangan ng ekonomiya at edukasyon.

 


Bilang pinakamataas ng lider ng United Kingdon dito sa Pilipinas, mahalaga ang papel na ginagampanan ng embahador nila dito sa Pilipinas. Nang mabigyan daw ng pagkakataon na mamili ng bansa si Ambassador Asif Ahmad kung saan nais niyang magtrabaho ay pinili raw niya ang Pilipinas.  Sumailalim daw siya sa mga paghahanda na kinakailangan  at isa na rito ang pag-aaral ng Filipino sa loob ng limang buwan. Ang Filipino ang isa sa pitong salita na alam ni Ambassador Ahmad, at pabiro pa itong nagsampol ng gay lingo. Wala nga raw siyang pinalalampas na pagkakataon para makisalamuha at makiisa sa mga Pilipino.

 

 


Ayon kay Ambassador Ahmad, si Kara umano ang isa sa kanyang mga Filipino teacher dahil ang mga dokumentaryo nito sa I-Witness ang paulit-ulit niyang pinanood noon habang nag-aaral ng Filipino. Bilang pasasalamat, ipinagluto niya si Kara ng kanyang espesyal ng recipe, ang Adobo Pie. Ipinatikim din kay Kara ang paboritong timpla ng kape ni Ambassador Ahmad. Umaabot daw kasi sa anim na tasa ng kape ang kayang inumin nito sa isang upuan lang, mas konti na sa dati niyang nakasanayang 20 tasa.

 


 


2013 nang maupo si Ambassador Ahmad sa embahada ng United Kingdom sa Pilipinas. Isa raw sa mga hindi niya malilimutang karanasan ay noong nagpunta siya sa Tacloban, Leyte sa kasagsagan ng bagyong Yolanda. Siya raw ang nangasiwa ng 1,400 aid workers mula sa kanilang bansa.

 


Sa isang pribadong subdibisyon sa Makati matatagpuan ang opisyal na tahanan ng Embahador ng United Kingdom. Bagamat mag-isa lang siyang nakatira rito, kasama naman niya sa pamamalakad rito ang mga Pilipinong staff gaya ng residential manager, chef, assistant chef  at ilang residential staff.

 


Hindi rin daw mawawala  ang larawan ni Queen Elizabeth sa bahay na ito.

 

 
Bubungad sa mga bisita ang isang magarbong  24-seater dining set. May naka-ukit na initials ng reyna ang makikita sa mga kubyertos at may disenyong korona ang mga plato.
 

May isang simpleng guest room sa bahay pero ang mga naging residente na rito, bigatin gaya nina Princess Anne, at mga dating Prime Minister John Mahor at Tony Blair.

 


Sa labas ng bahay makikita ang malawak na garden kung saan nakatanim ang mga orchids na inaalagaan ni Ambassador Ahmad. Katabi nito ang swimming pool at ang tennis court na siya ring palaruan ng basketball, volleyball, badminton, at football.

 


 


Dito raw nila tinuruan ang Little Azkals. Ang "Little Azkals" ay isa sa mga proyekto na sinusuportahan ni Ambassador Ahmad kung saan pinag-aaral at tinuruan ang mga bata na maglaro ng football sa Loughborough University sa United Kingdom.

Samahan si Kara David na kilalanin ang British Ambassador sa Pilipinas, His Excellency Asif Ahmad ngayong Miyerkules sa Powerhouse, pagkatapos ng Destiny Rose.

 


 

 

Tags: pr