Tahanan ng sikat na Interior Designer na si Tessa Alindogan, tampok sa 'Powerhouse'

Hindi naging hadlang ang edad para sa sikat na interior designer na si Tessa Alindogan. Kahit ilang beses siyang pigilan ng kanyang ama, natupad pa rin niya ang kaniyang mga pangarap sa edad na halos kuwarenta. Nakapagtapos siya ng dalawang kurso bago niya nabalikan ang first love niyang interior design. Ano nga ba ang sikreto ng kaniyang tagumpay? Alamin din ang tips ni Tessa sa pagpapaganda ng tahanan sa ilang simpleng paraan.

Bata pa lang daw si Tessa ay malaki na interes niya sa magaganda at kakaibang disenyo ng tahanan. Sa halip na interior design ang kunin sa koleheyo ay sinunod ni Tessa ang kanyang ama at kumuha ng ibang kurso. Nakapagtapos siya ng Psychology sa Amerika at Masters in Education, Concentration in Montessori. Naging teacher at nagtayo ng sariling eskuwelahan si Tessa. Dito na niya naisipang mag-aral ng interior design kasama ang kaibigang si Tessa Prieto-Valdes. Magkaiba raw ang disenyo ng dalawa pero nagkakasundo pa rin daw sila sa maraming proyekto.




Pinaghalong modern-retro at neo-classical European ang tema ng bahay ni Tessa na siya mismo ang nagdisenyo. May lawak itong 875 square meters at may tatlong palapag. Isang black and white painting ng kilalang pintor na si Ivan Acuna ang sasalubong sa mga bisita.

Tagusan din ang dingding dahil sa glass door sa kaniyang sala. Rekomendado niya ang ganitong disenyo para raw mas madali na magkita-kita ang mga tao lalo na't may salu-salo.


Bukod sa mga painting, matatagpuan din sa sala ang isang lounge chair na gawa ng sikat na furniture designer sa Paris na Le Corbusier habang isang spun chair na mukhang sculptural art piece na idinisenyo naman ni Thomas Heatherwick ang kinaaliwan naman ni Kara!

Isang kakaibang side table na aakalain mong lumulutang ang kapansin-pansin din sa sala. May sariling tema at disenyo naman ang kaniyang powder room dahil sa mosaic na makikita rito. Madalas daw na nasa loob ng kuwarto si Tessa kaya naman nagpagawa siya ng mini kitchen dito.

Ngayong Miyerkules, alamin natin kung paano dinidisenyo ng isang interior designer ang kanyang tahanan sa pagbisita natin kay Tessa Alindogan kasama si Kara David sa Powerhouse, pagkatapos ng Destiny Rose.
