Tahanan ng 'Lord of Scents' na si Joel Cruz, tampok sa 'Powerhouse'

Nagsimula lang sa pagrerenta ng cart para mabenta ang kaniyang mga pabango, ngayon humahalimuyak na ang pangalang Joel Cruz sa mundo ng business.

Ang suwerte niya sa negosyo may kakambal daw na kasiyahan sa kaniya nang dumating ang mga anak. 2011 nang pumunta siya sa Russia at naghanap ng posibleng surrogate mother ng mga bata. Biniyayaan siya ng hindi lang isa kungdi dalawang supling, sina Princess Shyne at Prince Sean.

Ngayong taon, ipinagmamalaki muli ni Joel ang bago niyang kambal na sina Prince Harry at Prince Harvey. Halos labing dalawang milyon daw ang nagastos ni Joel sa dalawang bagong anak at naging maselan daw ang pagbubuntis sa mga ito. Dahil dito, nagkaroon ng isyu ng diskriminasyon sa mga yaya nang makita ng mga netizen ang litrato ng mga ito na nakasuot pa ng surgical mask noong bininyagan ang mga kambal.

Ano nga ba ang dahilan ng pagiging overprotective ni Joel sa kaniyang mga anak?

Dahil sa pagpupursige sa buhay, hindi lang negosyo kundi marami-raming mala-palasyong bahay na rin ang kaniyang naipatayo. Minsan na niyang binuksan sa Powerhouse ang kaniyang condo unit na inspirasyon daw ang Burj Al Arab Hotel sa Dubai, at ang kaniyang mansyon sa Tagaytay na mala-hotel din ang tema. Sa pagkakataong ito, muli na namang nag-anyaya si Joel na libutin ang kanyang bagong tahanan.

Isang lumang bahay sa Sampaloc ang ipinaayos ni Joel bilang regalo sa kaniyang ina ang tinitirahan niya ngayon at ng kaniyang pamilya. Dito raw nakatayo ang bahay nila noong bata pa sila. Dati raw itong may sukat na 174 square meters pero nabili na rin ni Joel ang dalawang katabing lote kaya triple na ang sukat nito ngayon. May tatlo itong palapag at katabi rin nito ang opisina niya ng pabango.

Sa ikatlong palapag matatagpuan ang kuwarto ni Joel at ng mga kambal. Agaw-pansin ang isang malaking chandelier na nakasabit sa ibabaw ng hagdan. Dito rin makikita ang isang pulang piano. Lingid sa kaalaman ng marami na hilig pala ni Joel ang pagtugtog nito. Mahalaga raw kay Joel ang kaniyang kalusugan kaya naman matatagpuan ang isang gym sa isang palapag ng kaniyang opisina. Gaya ng iba niyang bahay, may swimming pool din siyang ipinagawa rito.

Bukod sa bahay, ipakikita rin ni Joel ang bagong paboritong sasakyan, ang Grech Limo Bus F450 na may 19-seat capacity. Mayroon din siyang yacht na 64 feet ang haba at halos 50 tao ang puwedeng sumakay. Walong taon na raw niya itong pagmamay-ari. Pinalibot din ni Joel ang Powerhouse sa planta ng pabango sa Meycauayan, Bulacan kung saan ipakikita ang proseso ng paggawa ng kaniyang mga produkto.

Ngayong Miyerkules, libutin ang bagong tahanan at silipin ang buhay-royalty ng ma anak ng tinaguriang "Lord of Scents" na si Joel Cruz kasama si Kara David sa Powerhouse, Pagkatapos ng Destiny Rose.
