Tahanan ng Formula Racer na si Marlon Stockinger, tampok sa 'Dream Home'

Dating batang Malate, heartthrob ng Monaco at Pinoy Pride na ngayon.
Laking Maynila si Marlon Stockinger, naranasan niyang maglaro sa kalsada kasama ang ibang mga bata. Ngayon, kinakatawan na niya ang Pilipinas sa mabilis at mapangahas na mundo ng international Formula One racing.

Sa go-kart unang nagkaroon ng interes si Marlon Stockinger sa racing. Siyam na taong gulang siya nang sumabak sa karera sa Cavite at labing isang taong gulang naman nang makuha niya ang unang kampeyonato rito. Labing anim na taong gulang si Marlon nang makipagsapalaran sa Switzerland para tuparin ang kaniyang pangarap bilang Formula One racer. Makalipas ang dalawang taon, nakilala si Marlon bilang kauna-unahang Pinoy na nanalo sa F1 race sa Europa. Ipinagmamalaki niya raw ang pagiging kinatawan ng Pilipinas sa ibang bansa kaya naman proud na proud niyang dala ang bandila ng bansa sa kanyang pagkarera.
Isa raw sa hindi makalilimutang karera ni Marlon ay nangyari sa Monaco dahil muntik na raw siya maaksidente at himala pang siya ang nanalo. Madalas daw na mamalagi sa Europa si Marlon habang nag-eensayo kaya raw natuto siyang maging independent at nagkainteres din sa pagluluto.


Ano kayang ang specialty ni Marlon na ituturo niya at ipatitikim kay Kara? May ilang tips din si Marlon pagdating sa pag-aayos ng kusina: mula sa mga cabinet, plato, baso hanggang sa mga kubyertos expert na raw siya.


May malawak na bakuran at napalilibutan ng maraming puno at halaman ang tahanan ng mga Stockinger sa isang eksklusibong village sa Metro Manila. Mala-resort ito dahil sa swimming pool na mayroon pang maliit na falls at jacuzzi.
May lanai rin na tanggapan nila ng bisita. Dahil close to nature daw ang ama ni Marlon ay gawa sa salamin ang pintuan at dingding ng kanilang bahay at tumatagos sa kanilang bakuran.


Pinaghalong puti at itim ang motif ng kanilang tahanan. May iisang TV lang daw sa kanilang bahay at matatagpuan ito sa sala. Dito raw sila nagba-bonding ng kaniyang pamilya. Bawal ang anumang gadgets sa hapag kainan kaya may isang lagayan ng cellphone sa dining table. May isang poste rin dito kung saan makikita ang mga larawan ng pamilya ni Marlon na nakapinta.

Sa ngayon ay pinaghahandaan ni Marlon ang triathlon kaya halos araw-araw ay nagba- bike siya at naglalakad sa kanilang village.

May oras pa kaya si Marlon sa kaniyang personal na buhay? Sa dami ng magagandang celebrities na nili-link sa kanya, sino kaya ang nagpapabilis ng takbo ng puso ni Marlon ngayon?

Maki-angkas sa biyahe ng buhay at tagumpay ni Marlon Stockinger kasama si Kara David ngayong Biyernes, 10:30 am sa Dream Home.
