Kalbaryo ng mga kabataan sa Samar, tunghayan sa 'Reel Time'

Galing sa salitang “samad” na nangangahulugang “sugat” ang pangalan ng probinsiya ng Samar. Mula ito sa maligasgas at hindi pantay na pisikal na kaanyuan ng probinsiya. Sa dami rin ng mga ilog at sapang tila humihiwa sa kabuuan nito, nagmumukhang tadtad ng sugat ang probinsiya kung titingnan sa mapa. Pero mayroon pang isang tila sugat na hindi gumagaling ang Samar --- ang kahirapan.
Ilang taon nang nananatiling isa sa pinakamahirap na rehiyon ang Visayas sa buong bansa. Ang mga bagyong dumaraan sa rehiyon ang isa sa sa itinuturong sanhi ng kahirapan sa rehiyon. Bukod pa umano sa kakulangan sa mga serbisyong panlipunan. At isa ang kawalan ng sapat na masustansiyang makakain sa mga resulta ng kahirapan.
Sa pinakahuling tala ng National Nutrition Council, ang Eastern Visayas ang nangunguna sa buong bansa sa dami ng mga batang malnourished. Samar naman ang probinsiyang nangunguna sa buong rehiyon sa bilang ng mga kaso ng malnutrisyon. Halos labingsiyam na porsiyento ng mga bata rito ang walang sapat na pagkain, mabababa ang timbang, at sakitin.
Si Jayson, namatayan ng ama dahil sa red tide. Dahil walang ibang makain, pinagtiyagaan nito ang huling tahong kahit na apektado ito ng dumi. Sa ngayon, naiwan ang kanilang ina upang itaguyod silang apat na magkakapatid. Dahil hindi nakapag-aral, walang ibang alam na hanapbuhay ang ina ni Jayson kundi ang pangingisda at pangunguha at pagbebenta ng mga kahoy na panggatong. At sa lahat ng gawaing ito, kailangang tumulong ni Jayson.
Sa edad na labing-isa, nasa mahigit 20 kilo lang ang timbang ni Jayson. Ang lahat ng kaniyang mga kapatid, underweight at stunted ding katulad niya. Halos araw-araw, kamoteng kahoy lang ang kinakain nilang mag-anak. May mga araw ring hindi sila nakakakain dahil wala pang kita ang ina ni Jayson. Madalas, umaasa sila sa bigay ng kapitbahay at ng kapitan ng baranggay.
Pero hindi nag-iisa ang pamilya ni Jayson, marami sa kanilang baranggay ang may katulad na kalagayan. Umaasa kasi ang mga tao sa dagat upang magkaroon ng pagkakakitaan. Ngunit kapag may bagyo, malakas na hangin at alon, o red tide, wala ring nakakapalaot. Hindi rin umano madaling nakababangon ang mga residente mula sa epekto ng mga bagyong dumaraan sa kanilang lugar. Sa loob lang ng apat na taon mula 2011 hanggang 2015, 94 bagyo ang nanalasa sa Eastern Visayas.
Sa buong mundo, ikasampu na ang Pilipinas sa may pinakamaraming “wasted” na mga bata at ikasiyam naman sa may pinakamaraming bilang ng mga stunted. Ito ay ayon sa tala ng United Nations Children’s Fund. Sa pag-aaral ng World Food Programme, ang kawalan ng sapat na pagkakakitaan at regular na hanapbuhay ang mga pangunahing dahilan ng kahirapan at kawalan ng makakain ng mga Pilipino.
Sa paparating na eleksiyon, mahalagang suriin ang plataporma at rekord ng mga kandidato. Sino nga ba ang may kakayahang matulungang gumaling ang sugat ng kahirapan at gutom sa bansa?
Alamin ang kalagayan ng ating mga abang kababayan sa Linggo, Abril 3, 9 ng gabi sa Reel Time Presents Samad sa GMA News TV.