Magkapatid, pitong oras ang nilalakad patungong ospital
REEL TIME presents BULIG
April 10, 2016 | Linggo, 9PM
GMA News TV 11
_2016_04_10_04_16_40.jpg)
Kung tatlong bundok ang kailangang tahakin at mahigit pitong oras ang lalakarin para lang
makapagpagamot, gagawin mo ba?
Sila Narcissa, tinitiis. Kinakaya.
Paslit pa lang daw si nanay Narcissa, kalsada na ang hiling ng mga ninuno niya. Ngayong
apatnapu't walong taong gulang na siya at may sarili na ring pamilya, nananatiling pangarap pa rin ang kalsada. Deka-dekada nang problema ng mga taga-Conner sa probinsya ng Apayao ang kawalan ng maayos na daanan.
Pebrero ngayong taon nang magkasakit ang bunsong anak nilang si Marie, walong taong gulang.
Bigla siyang natumba at hindi na makalakad. Hirap na rin makapagsalita. Hindi nila alam kung ano ang sakit ni Marie. Dahil sa hirap ng daan na kailangang tahakin, walang doktor ang pumupunta para siya ay matingnan.
Bulig o pasan sa salitang Igorot. Ito ang tanging paraan para malaman ang sakit ni Marie at malapatan ito ng lunas. Kailangang ibulig si Marie pababa ng kabundukan.
Ang kawalan ng maayos na daan ay tila krus na naipasa't pinapasan na rin ng kanilang mga anak.
Pero simula pa lang ito ng kanilang kalbaryo. Ang serbisyong pangkalusugan kasing kanilang inaasam, mayroon ding 'karamdaman'.
Ngayong Linggo, inihahandog ng Reel Time ang BULIG, ang huling yugto ng aming special election series na tatalakay sa usapin ng kalusugan. Paano nga ba matutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan kung ang serbisyong pangkalusugan ang may sakit na kailangang malunasan? Hanggang kailan natin ito ipapasan?
Tunghayan sa Linggo, alas nuwebe ng gabi sa GMA News TV 11.