Kuwento ng sakripisyo ng isang 16-anyos na dalaga, tunghayan sa 'Reel Time'
_2017_06_16_21_09_49.jpg)
Reel Time Presents Sa Pag-andap ng Ilaw
Paano kapag ang nabuwag na ang haligi ng inyong tahanan? Paano kapag ang ilaw na siya na lamang iyong inaasahan ay aandap-andap na rin? Kakayanin mo pa bang magpatuloy sa buhay kung halos mag-isa ka na lang na lumalaban?
Enero nang taong ito nang igupo ng sakit na bone cancer ang nanay ni Mariz. Mula noon, nawalan na ng lakas ang kalahating katawan ng kaniyang ina. Ang kaniya namang ama, pumanaw apat na taon na ang nakararaan dahil sa atake sa puso. Naiwan ang 16 anyos na si Mariz upang pasanin ang lahat ng responsibilidad sa bahay --- ang pag-aalaga sa maysakit na ina, ang paghahanapbuhay upang mayroon silang makain, at pati ang pagsuporta sa sarili upang makapag-aral.
Karamihan sa atin, edukasyon ang sandata upang makamit ang mga pangarap sa buhay. Kaya nga ayon sa isang matandang kasabihan, edukasyon ang pamana ng isang magulang sa kaniyang anak na hinding-hindi matatawaran. Ngunit paano kung ang magulang na siyang dapat magpamana ay walang lakas upang itaguyod ka? Alam ni Mariz na wala siyang ibang dapat asahan kundi ang sarili niya. Kaya naman kapag walang klase, nagdesisyon siyang mamasukan bilang tagalinis at labandera upang mayroon siyang pambaon at pambili ng pagkain nilang mag-ina.
Isa lang si Mariz sa tinatayang mahigit 5 milyong kabataang Pilipino, edad 5 hanggang 17, na naghahanapbuhay habang nag-aaral (PSA, 2011 Survey on Children). Ayon naman sa Commission on Higher Education, kalahati sa mga working student ang hindi nakatatapos ng kolehiyo dahil sa pinansiyal at pisikal na hirap ng pagsasabay ng pag-aaral at pagtatrabaho. Ganito rin kaya ang maging kapalaran ni Mariz? Hanggang saan niya kakayanin ang mga pagsubok na ito? Handa na nga ba siyang tumayong ilaw at haligi ng kanilang tahanan? Paano kapag dumating ang sandaling tuluyang igupo ng cancer ang kaniyang ina?
Kilalanin si Mariz sa Reel Time Presents Sa Pag-andap ng Ilaw ngayong Sabado, ika-17 ng Hunyo, sa ganap na 9:15 ng gabi sa GMA News TV.