Kilalanin ang artistic street children ng Calbayog, Samar
Reel Time Presents Sining sa Lansangan
“Art For Sale” --- ‘yan ang sinasabi ng karatula na pumukaw sa pansin ng maraming mamamayan sa Calbayog, Samar. Isang grupo kasi ng mga streetchildren ang nagbebenta ng kanilang mga gawang sining. Ang presyo ng bawat artwork ay mula piso hanggang limang piso.
Pebrero ng taong ito nang mapansin ni Dennis Calag, isang local artist sa Calbayog, ang mga batang namamalimos sa gilid ng isang mall. Dahil rito, naisipan niyang turuan ang mga bata na magdrowing. Aniya, sa pamamagitan ng sining, nais niyang maturuan ang mga bata ng mabubuting asal at ng kahalagahan ng edukasyon. Layunin din niyang sa kalaunan ay mailayo ang mga bata sa mga panganib na kinakaharap nila sa lansangan.
Kabilang sa mga batang tinuturuan ng grupo ni Dennia ay ang mga anak ni Marilyn. Ayon kay Marilyn, nasa kalsada ang mga anak niya dahil sa hirap ng buhay. Tumutulong umano ang mga bata sa pagtitinda ng kalamansi upang may pangkain sila. Aminado rin si Marilyn na isa sa mga anak niya ay natuto na ng masasamang bisyo dahil sa pagtambay sa kalsada. Pero simula umano ng sumali ang mga anak sa libreng art worshop, nalayo na umano ang mga bata sa masasamang Gawain.
Ayon naman kay Arjay, 11 anyos, malaking tulong ang art workshop sa kanila dahil mas nagkakaroon sila ng kita sa pagbebenta ng artwork kumpara sa pamamalimos. Pedicab driver lang ang ama ni Arjay at sa padyak lang nila sila nakatira. Kaya naman daw malaking tulong ang dagdag na kita sa pang-araw-araw nilang gastusin.
Nang mag-viral ang post ng isang netizen tungkol sa pagbebenta ng mga bata ng artwork, marami ang pumuri sa ginawang ito ng grupo nina Dennis. Pero marami rin umano ang hindi natutuwa at gusting patigilin ang naturang gawain. Paano na kaya ang mga batang gusting matuto at nakikinabang sa mga art workshop? Magpapatuloy pa ba ang kanilang paglikha?
Kilalanin ang mga kabataan ng Calbayog City at samahan sila sa kanilang mga pagsubok sa Reel Time Presents Sining sa Lansangan, ngayong Sabado, May 18, 9:15 ng gabi sa GMA News TV.