ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Divorce, dapat na bang isabatas?


 


Reel Time Presents For Better or For Worse?

“Until death do us part” ang pangako ng kasal. Pero paano nga ba kung ang kasal mo ang papatay sa ‘yo?

Si Jenny, dalawang beses nang halos mapatay ng kaniyang asawa dahil sa selos na wala umanong batayan. Sa huling pananakit ni Christian, naospital si Jenny dahil sa malalang bugbog na kaniyang tinamo. Sa kasamaang-palad, nakatakas si Christian kaya hindi pa ito nananagot sa ginawang pananakit sa asawa. Ayon kay Jenny, gusto na niyang mapawalang-bisa ang kasal nilang mag-asawa dahil ito ang ginagamit ni Christian laban sa kaniya.

Si Marc naman, mahigit walong taon nang hiwalay sa kaniyang misis dahil sa paulit-ulit umano nitong pangangaliwa. Bagama’t matagal na silang hindi nagsasama, hindi pa nila magawang magpa-annul dahil sa malaking halagang kinakailangan. Nais ni Marc na maging batas na ang diborsiyo upang maging mas madali at mas mura umano ang proseso ng pagpapawalang-bisa ng kanilang kasal.

Nitong Hulyo 10, muling ipinasa ni Sen. Risa Hontiveros ang Senate Bill No. 356 (An Act Instituting Absolute Divorce in the Philippines) na naglalayong magkaroon ng absolute divorce sa bansa. Bukod sa Vatican City, ang Pilipinas na lang sa buong mundo ang walang batas ukol sa diborsiyo. Bagama’t may diborsiyo sa mga Muslim at ilang indigenous tribes, hindi ito magagamit ng ibang Pilipinong hindi kabilang sa mga grupong ito.

Ayon kay Senator Risa, ang panukalang batas na ito ay para sa mga taong nangangailangan ng ikalawang pagkakataon sa buhay at pag-ibig. Sa ngayon ay may tatlong legal na paraan sa paghihiwalay ng mag-asawa sa Pilipinas --- ang legal separation, annulment, at nullity of marriage. Ngunit may mga sitwasyon na hindi angkop o sakop ng tatlong paraang ito. Isang halimbawa ang pisikal na pang-aabuso na kailangang paulit-ulit na mangyari bago maging batayan sa legal separation. Sa Absolute Divorce Bill, hindi na kailangang maulit pa ang pananakit para maging batayan ng kaso. Sapat na ang isang beses na pananakit ng iyong asawa upang humiling ka ng diborsiyo.

Ayon sa mga tutol, sisirain ng diborsiyo ang pagiging sagrado ng kasal. Hindi rin umano makabubuti sa mga bata ang isang broken family. Marami rin ang natatakot na maabuso ang diborsiyo sakaling maging batas ito, baka raw magaya sa Estados Unidos na ginagawang “unlimited” ang pakikipagdiborsiyo.

Sa survey ng SWS noong 2017, nasa 53% ng mga Pilipino ang sumasang-ayon sa pagiging legal ng diborsiyo sa bansa habang 32% ang hindi sang-ayon. Napapanahon na nga ba ang diborsiyo sa Pilipinas? Tunghayan sa Reel Time Presents For Better or For Worse? ngayong Biyernes, Agosto 23, 7:15 ng gabi sa GMA News TV.