ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Reporter's Notebook: Tubig De Peligro


REPORTER’S NOTEBOOK
Airing date: July 16, 2013

TUBIG DE PELIGRO
Wastewater Trail Special Report
Ulat nina Jiggy Manicad at Maki Pulido
 
Nito lamang Abril 2013, nagkaroon ng cholera outbreak sa isla ng Bongo sa Parang, Maguindanao. Isang water-borne disease o sakit na nakukuha kapag nakainom ng kontaminadong tubig ang cholera. Animnapu’t pito ang naging biktima kung saan limampu’t pito ay mga bata. Ang malungkot, dalawa ang binawian ng buhay. Isa sa itinurong dahilan ng Department of Health ang kontaminasyon ng kanilang iniinom na tubig mula sa balon dahil sa kawalan nila ng maayos na palikuran.



 
Ayon sa pag-aaral ng World Bank, tatlumpung porsyento ng mga sakit sa bansa, pag-inom ng kontaminadong tubig ang naging dahilan. isa sa itinuturong sanhi naman ng kontaminasyon ay ang kawalan ng wastewater treatment facilities sa bansa. Kaya ang mga dumi mula sa mga bahay at iba pang establisiyimento, dumidiretso na sa groundwater, sa mga ilog at kalaunan ay sa karagatan na siya ring pinanggagalingan ng inuming tubig. Katunayan, sa 2 million cubic meters na naiipong wastewater ng Metro Manila kada araw, 17% lamang nito ang dumadaan sa treatment bago makarating sa mga ilog at dagat.




Tinungo ni Maki Pulido ang isang komunidad sa Navotas City kung saan karamihan sa mga residente, walang maayos na palikuran. Ang itinayo nilang pampublikong palikuran, dumidiretso ang dumi at ihi sa mismong karagatan. Binisita naman ni Jiggy Manicad ang housing complex sa Tondo, Maynila. May palikuran man ang mga kabahayan dito, ang problema palyado naman ang kanilang septic tank at wala rin silang septage management kaya ang kanilang mga dumi, dumidiretso din sa ilog.



 
Sa bisa ng Clean Water Act, inatasan ang iba’t-ibang ahensya upang magtayo ng mga wastewater treatment facilities upang malinis ang ating yamang-tubig. Mahigit isang dekada na mula nang maisabatas ito, bakit ganito pa rin ang sitwasyon?
 
Huwag palalampasin ang REPORTER’S NOTEBOOK ngayong Martes, ika-16 ng Hulyo pagkatapos ng Saksi.