ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Suplay ng bigas at rice cartel, siniyasat ng 'Reporter's Notebook'


January 28, 2014
BIGAS NG BAYAN
Ulat nina Maki Pulido at Jiggy Manicad

 
 
Itinuturing na staple food o pangunahing pagkain ng mga Pilipino ang bigas, kaya dapat mabibili ito sa kahit anumang panahon at sa abot-kayang presyo, lalo na ng mga mahihirap. Pero sa mga nakalipas na taon, papataas ang presyo nito. Ang tanong, kakulangan lang ba talaga sa suplay ng bigas ang dahilan ng pagtaas ng presyo o sadyang may kumokontrol o nagmamanipula sa presyo nito sa merkado?
 

 

 
Sa isang special report, sisiyasatin ng Reporter’s Notebook ang epekto ng mataas na presyo ng bigas sa ating mahihirap na kababayan. Si Eloisa, mag-isang itinataguyod ang limang anak matapos silang iwanan ng kanyang asawa noong nakaraang taon. Araw-araw malaking problema para kay Eloisa kung saan kukunin ang pagkain ng kanyang anak lalo na ang kakaining bigas. Nasa apatnapung piso lang daw kasi ang kinikita niya sa pagtitinda ng mga banig at minsan wala pang benta kaya may mga pagkakataong isang beses lang sila kumain sa loob ng isang araw.
 



 
Isa lang ang pamilya ni Eloisa sa mga dumaraing sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ng bigas. Katunayan, kung pagbabasehan ang datos ng Bureau of Agricultural Statistics, mula taong 2010 hanggang 2013 ay patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado. Pero ayon mismo sa National Food Authority o NFA, isa sa maaaring dahilan ng pagtaas ay ang manipulasyon ng isa umanong rice cartel o grupong may hawak ng malaking suplay ng bigas. Maging ang rice smuggling o ilegal na pagpasok ng bigas sa bansa, kontrolado na rin daw ng iisang grupo lamang. Bukod sa pangalang David Tan na lumutang sa mga balita dahil sa tinagurian umano siyang “Smuggling King,” isa pang pangalan ang natuklasan ng Reporter’s Notebook na tila may papel sa iba’t ibang rice importers sa bansa.
 

 
At kung may lubos na naaapektuhan sa pagdagsa ng smuggled rice, walang iba kundi ang mga magsasaka. May mga pagkakataon raw kasi na bagsak presyo ang smuggled rice kaya walang magawa ang maliliit na magsasaka kundi pantayan ang mababang presyo kahit lugi na sila. Kaya minsan, ang mga mismong nagsasaka ng bigas, sila pang walang maihaing kanin.
 
Huwag palalampasin ang mas pinakalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook ngayong Martes, ika-28 ng Enero, 11:30 ng gabi, pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.