ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang isyu ng naghihingalong dagat ng Pilipinas, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'


NAGHIHINGALONG DAGAT
Reporter’s Notebook Summer Special
May 14, 2015



Sa mahigit pitong libo at isandaang isla ng Pilipinas, hindi nakapagtatakang isa ito sa mga bansang may pinakamayamang karagatan sa buong mundo. Katunayan, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, pang pito ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming produksyon ng isda sa buong mundo noong 2011. Umabot ito sa halos limang milyong metriko tonelada ng isda. Nasa mahigit isa’t kalahating milyong Pilipino ang umaasa sa pangingisda bilang kanilang kabuhayan ayon sa National Statistical Coordination Board. Pero ang nakababahala, sa labing tatlong fishing grounds sa buong bansa, sampu rito ang itinuturing na “very heavily exploited” ayon pa rin sa pag-aaral ng BFAR noong 2011.


Overfishing o labis na panghuhuli ng isda ang isa mga itinuturong dahilan kung bakit halos masaid na natin ang laman ng ating karagatan. Sa bayan ng Mercedes sa Camarines Norte, panghuhuli ng malalaking isda gaya ng pating ang naging kabuhayan ng ilan sa mga residente sa mahabang panahon. Walang ordinansa sa kanilang lugar o batas pambansa na nagbabawal sa panghuhuli nito. Pero maging sila, napansin ang papakaunting bilang ng pating na nakukuha nila. Mahalaga ang mga pating para mapanatili ang balanse sa ating marine ecosystem. Kung mauubos sila, hindi raw malayong mawala na rin ang iba pang maliliit na isda.

Paano nga ba muling maibabalik ang dating yaman ng ating karagatan?

Huwag palalampasin ang “Naghihingalong Dagat” sa pagpapatuloy ng Reporter’s Notebook Summer Specials ngayong Huwebes, 4:30 ng hapon pagkatapos ng Kailan Ba Tama ang Mali?.