ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pagtaas ng bilang ng mga batang inabandona, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'





 
 
SALAT SA ARUGA
September 24, 2015
 
Sa Caloocan City, nakilala ng Reporter’s Notebook ang magkapatid na sina Lester at Jepoy, inabandona sila ng kanilang ina. Kwento ng kumupkop sa kanila na si Aling Yolanda, mag-aapat na buwan na mula nang iwan sila ng kanilang ina. Patay na rin ang kanilang ama. Ang problema, hirap raw si Aling Yolanda na maibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga bata. Bukod sa biyuda na, sampu ang inaalagaan niyang anak. Sang-ayon sa Republic Act 10165 o Foster Care Act of 2012,maaaring maging legal ang pangangalaga ni aling yolanda sa magkapatid na Lester at Jepoy.Pwede kasi siyang maging legal na foster parent ng magkapatid kung maipapasa ang mga kailangang kwalipikasyon. Maaari rin makatanggap ng subisidiya o tulong pinansyal ang mga batang nasa pangangalaga niya.

Pero hindi lahat ng inabandonang bata nakakahanap ng taong kakalinga gaya ng Aling Yolanda, ilan kasi sa kanila, nauuwi sa mapanganib na lansangan. Gaya na lamang ni Jaynor, labing limang taong gulang. Limang taong na raw ang nakararaan nang iwanan siya ng kanyang mga magulang. Kaya upang makakain sa araw-araw dumidiskarte si Jaynor sa pamamagitan ng pagtatawag ng mga pasahero sa jeep at pagpupunas ng mga kotse. Ang malawak na lansangan na rin ang kanyang naging tulugan sa loob ng ilang taon.
 

Mula taong 2010 hanggang 2014 ay tumaas ang bilang ng mga batang inabandona sa iba’t ibang lugar o di kaya naman ay isinurender ng kanilang kaanak sa DSWD. Mula 779 na kaso noong 2009 ay umabot ito sa 862 na kaso noong 2014. Ngayong unang siyam na buwan ng 2015 ay umabot na sa 476 ang bilang ng batang inabandona o isinurender sa DSWD.  Ibig sabihin, kada araw ay may dalawang batang iniiwan ng kanilang mga magulang. Paano matutulungan ang mga batang gaya nila na pinagkaitan ng kalinga?

Huwag palalampasin ang Reporter’s Notebook ngayong Huwebes sa bago nitong oras 5:20 ng hapon pagkatapos ng Destiny Rose.