ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kaso ng child pornography sa Pilipinas, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'





 
BIHAG NG PORNO
October 8, 2015
 

 
Sa pagbukas ng ilaw at pag-rolyo ng kamera, isang pelikula ang binubuo sa isang tagong bahay. Kung minsan, kabilang sa mga eksena ang aktuwal na pagtatalik ng magkapareha. Pero ang mas nakababahala, ang ilan sa mga gumaganap na artista, mga menor de edad. Ito ang isiniwalat sa Reporter’s Notebook ng dalawampu’t dalawang taong gulang na itatago namin sa pangalang Krystal. Isang kaibigan daw ang nag-rekomenda sa kanya sa isang nagpakilalang producer ng pelikula. Labing-anim na taong gulang raw si Krystal nang unang sumabak sa ganitong kalakaran. Ang ibinabayad raw sa kanya umaabot sa pito hanggang labing limang libong piso.
 

Ikinuwento rin ng inuupahang cameraman na si Jay, hindi niya tunay na pangalan, kung paano nila binubuo ang mga pelikula at kung saan dinadala ang mga ito. Mula sa mga DVD, ngayon mabilis na ring naibebenta ang mga pornographic videos gamit ang mga flash drive at internet. At ang kita rito hindi lang barya-barya.
 
Sa isang pag-aaral, lumalabas na pang-walo ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalaking kita sa paggawa ng pornographic videos. Tinatayang nasa isang bilyong dolyar ang kinikita ng mga producer ng mga ganitong uri ng video dito sa bansa. Sa buong mundo ay nasa 97 billion dollars naman ang kabuuang kita ng mga gumagawa nito. Ang tanong bakit patuloy ang ganitong kalakaran sa kabila ng pagkakaroon ng mga ahensyang nakatalagang pumigil nito?
 
Ang pagre-recruit at pagsasangkot sa mga bata sa pornograpiya ay malinaw na paglabag sa Republic Act 9208 o Anti Trafficking in Persons Act of 2003. Labag din ito sa Republic Act 97751 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.

Huwag palalampasin ang Reporter’s Notebook ngayong Huwebes sa bago nitong oras 5:20 ng hapon pagkatapos ng Destiny Rose.