Mga ibinasurang pagkain sa Pilipinas, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'


“IBINASURANG BIYAYA”
REPORTER’S NOTEBOOK FOOD WASTE SPECIAL
DECEMBER 10, 2015
Nalalapit na ang Pasko at tiyak na marami na namang kainan at salu-salo. Pero sa bawat handaan, hindi mawawala ang mga nasasayang at tira-tirang pagkain na madalas ay sa basurahan lang nauuwi. Nakababahalang isipin na isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming nasasayang na pagkain sa buong mundo. Ito ay sa kabila ng mataas na bilang ng mga nagugutom.


Nito lamang nakaraang linggo, napabalita na halos tatlong daang sako ng NFA rice na para sana sa mga nabiktima ng Bagyong Ruby noong 2014 ang itinapon at ibinaon sa isang hukay sa bayan ng Dagami, Leyte. Tinungo ng Reporter’s Notebook ang lugar kung saan sinasabing ibinaon ang sako-sakong bigas.



Pero bukod sa hindi tamang pag-iimbak ng mga pagkain gaya ng bigas, isa pa sa dahilan ng food loss o food waste ay ang kakulangan sa mga post harvest facility ng mga magsasaka. Nagpunta rin ang Reporter’s Notebook sa Benguet na tinaguriang “Salad Bowl of the Philippines.” Sa bagsakan ng gulay sa La Trinidad, naabutan ng aming team ang ilang nagtitinda na tinatapyas ang mga nabulok na dahon ng kanilang mga paninda. Bukod sa kakulangan ng storage facility, problema rin nila ang mahabang biyahe dahil karamihan sa mga kalsada papunta sa merkado o bagsakan ng gulay, lubak-lubak.


Ang ilan sa ating mga kababayan, pinagkakakitaan naman ang mga itinapong pagkain. Sa Tondo, Maynila, nakilala namin sina Johnny at Jeff na naghahakot ng tirang pagkain sa labas ng isang fastfood restaurant. Nang mapuno ang pedicab ay dinala nila ang mga tirang pagkain sa isang bagsakan kung saan naghihintay ang mga namimili. Burger, fried chicken at kanin, lahat dito nireresiklo at muling pinanlalaman sa tiyan.

Ayon sa datos ng Food and Agriculture Organization, nasa 1.3 bilyong tonelada ng pagkain ang nasasayang o natatapon kada taon sa buong mundo. Sa pag-aaral naman ng Philippine Rice Research Institute, kada taon ay nagsasayang ng 3.2 kilo ng bigas ang isang Pilipino. Kung susumahin ay aabot ito sa 330,000 kilo ng bigas sa loob ng isang taon. Katumbas ito ng halos sampung bilyong pisong halaga ng bigas sa loob naman ng isang taon.

Ano nga ba ang dapat gawin para mabawasan ang food loss o food waste sa bansa?
Huwag palalampasin ang Reporter’s Notebook Food Waste Special ngayong Huwebes, December 10, 5:20 ng hapon pagkatapos ng Destiny Rose.