ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pagpatay sa mga mamamahayag, sisisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'


 

Reporter's Notebook
Pagpatay sa Mamamahayag
Huwebes, June 9
11:35 PM sa GMA-7

 


Sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP, mula taong 1986 hanggang 2013 ay nasa mahigit isang daan at pitumpu na ang bilang ng pinatay na journalist o mamamahayag sa bansa. Isa sa kanila ang journalist mula sa Sultan Kudarat na si Marlene Esperat. Pinatay si Marlene noong March 24, 2005 sa harap mismo ng kanyang mga anak. Unang nagtrabaho bilang chemist ng Department of Agriculture Central Mindanao si Marlene bago maging isang journalist.

 


Makalipas ang mahigit labing-isang taon mula nang mangyari ang pagpatay, pinayagan ng anak ni Marlene ang Reporter’s Notebook na pasukin ang mismong pinangyarihan ng krimen at ang dating opisina ng kanilang ina. Nakilala si Marlene Esperat bilang isa sa mga local journalist na nagsiwalat ng katiwalian sa Department of Agriculture partikular na ang tinaguriang fertilizer fund scam. Ang pondong 728 million pesos na gagamitin para sa abono at mga kagamitang pang-agrikultura na dapat sana’y ipamimigay sa mga magsasaka, hindi naman nakarating sa kanila.

 


November 23, 2009 naman nang maganap ang pinakamadugo at pinakamalalang pagpatay sa mga mamamahayag at media worker, ang Maguindanao Massacre. Tatlumpu’t dalawang mamamahayag ang pinatay kasama ang dalawampu’t anim na iba pa. Papunta noon sa Commission on Elections sa Shariff Aguak ang grupo kung saan magsusumite ng certificate of candidacy si Esmael Mangudadatu na nagpasyang kalabanin sa pagkagobernador ng Maguindanao si Andal Ampatuan Jr.

 


Ngayong taon, ikalawa ang Pilipinas sa itinuturing na most dangerous place for journalist ayon sa International Federation of Journalists. Sumunod ang Pilipinas sa Iraq.

Huwag palalampasin ang “Pagpatay sa Mamamahayag,” ngayong June 9, 2016, 11:35 PM sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist, Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.