ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Vigilante killings, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook' special report


Sa halos dalawang libong napatay mula noong June 30, na iniuugnay sa droga, mahigit pitong daan ang namatay sa mga lehitimong police operation; sila ang mga sinasabing nanlaban sa mga awtoridad. Pero ang mas malaking bilang na mahigit isang libo at isang daang napatay, ay iyung walang kinalaman sa police operations, at hindi pa tukoy ang mga salarin. “Deaths under investigation” ang tawag rito ng Philippine National Police.

Kabilang dito ang mga bangkay na natagpuan na lang sa kalsada, sa liblib na lugar, o iyung mga nakunan ng CCTV na bigla na lang itinumba, o iyung mga pinatay na nilagyan ng karatula. Sa mga lehitimong operasyon, alam natin na ang mga pulis ang nakapatay sa mga suspected drug pusher at user. Pero sa mga biktimang natagpuang patay na nakapiring at minsan ay may karatula, sinu-sino ang mga hitman?

Nakabalot na ng packaging tape ang mukha at nakatali na rin ang mga kamay. Putok na lang ng baril ang kulang, at isa na sana sa mga bangkay na matatagpuan sa kalsada noong gabi ng August 4 si “Roel”, hindi niya tunay na pangalan, isang tricycle driver. Pero himala siyang nakaligtas mula sa kamay ng mga nagtangkang pumatay sa kanya. Saktong may nagpatrolyang mga pulis kaya ang mga suspek, iniwan na lang si “Roel” sa tabing kalsada. Hindi pa nakikilala ang mga taong dumukot sa kanya hanggang ngayon.

Pero hindi lahat ng biktima kasingswerte ni “Roel.” Dahil ang dalawampu’t dalawang taong gulang na estudyanteng si Rowena Tiamson, natagpuan na lamang na patay sa gilid ng kalsada. Nakabalot ng duct tape ang mukha at mga kamay at sa isang karatula nakasulat ang “huwag tularan, pusher ako.” Ayon na rin sa Manaoag PNP, wala sa drugs watch list si Rowena. Kaya ang tanong na isinisigaw ng kanyang pamilya, bakit dinanas ng kanilang anak ang karumal-dumal na pagpatay?

Sa ilang pagkakataon pa, nakunan ng closed circuit television camera o CCTV ang pagpatay sa ilang biktima ng mga tinatawag na riding in tandem o ng mga hitman.

Sa kaliwa’t kanang kaso ng mga pagpatay kasabay ng kampanya kontra iligal na droga, hindi kaya mas nakikinabang ang mga sindikatong pinapatay ang kanilang mga target habang malaya silang nakapagkukubli sa batas? May posibilidad rin kayang hindi drug-related ang ilan sa mga kasong ito, na napagtatakpan lang sa pamamagitan ng paglalagay ng mga karatula?

Alamin ang special report na “SINO ANG HITMAN?,” ngayong August 25, 2016, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.