Pagtugis ng gobyerno sa mga drug lord, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'

Kapag sinabing maximum security, istrikto at mahigpit ang pamamalakad. Dapat bantay-sarado rin ang mga nakakulong. Pero sa loob ng National Bilibid Prison, may mga presong buhay-hari sa loob ng kulungan. Ang higit na nakababahala, sa loob mismo ng kulungan nabubuhay ang ilegal na kalakaran ng droga.

Nang simulan noong December 2014 ng Department of Justice o DOJ ang Oplan Galugad sa ilalim ni noo’y DOJ Secretary Leila de Lima, kagulat-gulat ang mga natuklasang kontrabando at mga gamit na hindi dapat naipapasok sa loob ng Bilibid. Sa kubol ni convicted bank robber Herbert Colanggo, nakita ang ilang mga armas, ilang gramo ng shabu, pera, mamahaling relo, flat screen TV, aircon, generator at isang music studio. Si Colanggo ang inmate na makailang ulit na nakapagconcert sa loob ng Bilibid. Sa kubol naman ng convicted drug trafficker na si Peter Co o Wu Tuan, natagpuan ang milyong halaga ng pera, mga armas, cellphones, laptop, sauna, TV, wi-fi at iba pang appliances.

Sa gitna ng pagdinig sa kongreso tungkol sa diumano’y kaugnayan ng matataas na opisyal ng gobyerno sa droga, naging sentro ng usapan ang Oplan Galugad. May ilang inmate daw na tila pinaboran at hindi isinama sa raid kabilang na ang kubol ni convicted kidnapper Jaybee Sebastian. Sinabi naman si Sen. De Lima na nagsilbi raw bilang asset ng nakaraang administrasyon si Sebastian.

Minsang sinabi ni Pangulong Duterte na nasa ibang bansa ang malalaking isda o “drug lord” na nagpapalaganap ng droga sa Pilipinas. Pero base sa mga hearing nitong nagdaang mga lingo, at kung pagbabatayan ang mga listahan ng personalidad na isinapubliko ng Pangulo, maraming malalaking tao na kabilang sa malawakang operasyon ng ilegal na droga sa bansa.

Sa kampanya laban sa droga malinaw na mahigpit ang patakaran ng gobyerno pag dating sa mga drug pusher, drug runner at drug user; libo na rin ang bilang ng mga napatay na diumano’y sangkot sa kalakaran ng droga sa mga kalsada. Pero ano nga ba ang polisiya ng pamahalaan pag dating naman sa pakikipaglaban sa mga tinaguriang drug lord?
