Kalagayan ng mga kulungan sa bansa, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'

Sa kasagsagan ng kampanya kontra droga, dumarami rin daw ang bilang ng mga naaaresto at nakukulong sa ilang detention facility sa bansa gaya ng Quezon City Jail at Tacloban City Jail. Ang problema, sobra-sobra na rin ang laman ng mga kulungan.

Ang Quezon City Jail halimbawa, dapat ay nasa dalawangdaan at pitumpu ang kapasidad pero sa kasalukuyan ay may mahigit tatlong libo at tatlong daang detainee na ito. Ganito rin ang sitwasyon sa Tacloban City Jail. Isang daan lang ang kapasidad nito pero umaabot na sa mahigit pitong daan ang mga nakakulong.

Lahat ng mga detainee sa mga city jail ay naghihintay ng hatol ng korte. Pero dahil sa bagal ng takbo ng kanilang mga kaso, marami sa mga detainee, inabot na ng taon ang paghihintay na matapos ang kanilang mga hearing. Para sa iba, higit pa ang panahong inilagi nila sa kulungan kaysa sa nakatakdang sentensya para sa krimeng kinasangkutan nila. Pati ang isang nakakulong dahil sa paglalaro ng kara-krus, hindi pa rin nareresolba ang sentensya sa kaso matapos ang halos isang taon.

Dahil kulang ang espasyo ng mga selda, para-paraan ang mga detainee para makahanap ng puwestong matutulugan. Ang ilang selda mistulang lata ng sardinas sa sikip. Maging ang ilang hallway, ginagawa na rin nilang tulugan. Ang isang Lolo na nakilala ng Reporter’s Notebook, gabi-gabing pinagtiya-tiyagaan ang isang bangko bilang higaan.

Sa kanilang kasalukuyang kondisyon, malaking tanong kung maipatutupad pa nga ba ang ganap na rehabilitasyon ng mga nakakulong.
Huwag palalampasin ang SA LIKOD NG REHAS ngayong November 17, 2016, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.