Kaso ng mga menor de edad na sangkot sa krimen, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'

Sa kalagitnaan ng Translasyon ng itim na Nazareno sa Maynila, isang menor de edad ang dinampot ng pulis. Nandukot daw ang bata habang may prusisyon. Dinala ang bata sa isang presinto sa Maynila kung saan kaagad siyang kinausap ng pulis at ilang tauhan ng City Social Welfare Office. Ang edad ng bata: labing dalawang taong gulang.
Sa kasalukuyang batas na RA 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, may criminal liability o maaaring makasuhan ang mga bata edad labing-anim hanggang labingwalo lalo na kapag napatunayang may discernment o alam at naiintindihan nila ang nagawa nilang krimen. Wala namang criminal liability ang mga bata edad labing lima pababa. Kaya hindi maaaring kasuhan si “Marco” sa kinasangkutan niyang reklamo.
Dalawang bagay ang pwedeng gawin sa mga gaya ni Marco depende kung ano ang irerekomenda ng DSWD. Maaari siyang ibalik siya sa kanyang magulang at gawin ang intervention program sa kanilang komunidad o di kaya naman ay manatili sa isang child-caring facility na kung tawagin ay Bahay Pag-asa para doon gawin ang intervention program sa kanya.
Isa sa mga Bahay Pag-asa ang matatagpuan sa Valenzuela City. Dito nakilala ng Reporter’s Notebook ang ilang menor de edad na nakagawa ng paglabag sa batas. Isa sa pinakabata rito si “Mike”, labing apat na taong gulang at nasangkot sa pagpatay sa isang lalaki. Ayon kay Mike, ipinagtanggol lang niya ang kanyang sarili. Dahil labing-apat na taong gulang lang si Mike, hindi rin siya maaaring kasuhan sang-ayon na rin sa batas. Pero sumasailalim siya sa rehabilitasyon sa loob ng shelter.
Pero maaaring magbago ang magiging kapalaran ng mga gaya nina Marco at Mike sakaling maipasa ang isang panukalang batas. Sa panibagong panukalang batas, nais maibaba ang tinatawag na minimum age of criminal liability mula labing limang taong gulang sa siyam na taong gulang.
Maaaring masampahan ng kasong theft si Marco, kasong murder naman kay Mike. Pero may ilang tutol sa panukala. Ayon sa kanila, sa ilang pagkakataon ay biktima lamang ang mga kabataan at nagagamit ng nakatatanda. Dapat raw ay masolusyunan ang tunay na ugat ng problema kung bakit nasasangkot sa krimen ang mga menor de edad.
Huwag palalampasin ang “PASLIT AT PARUSA” ngayong January 12, 2017, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.