ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Isyu ng mental health sa Pilipinas, tatalakayin ng 'Reporter's Notebook'


 


Naabutan ng Reporter’s Notebook na nakatali sa isang papag na kawayan ang tatlumpung taong gulang na si Kristel, hindi niya tunay na pangalan. Tuloy-tuloy ang kaniyang pag-ungol. Madalas, tahimik lang si Kristel. Paminsan-minsan, sumisigaw. Halos mapudpod na rin ang kanyang mga ngipin dahil sa ginagawa niyang pagkiskis rito. Ayon sa kanyang inang si Aling Nida, limang taon na nilang itinatali si Kristel. Takot kasi silang makalayo ng bahay ang anak. Dahil sa kahirapan, hindi na napa-inom ng gamot ang dalaga. Sa bawat buwan kasi, kailangan nilang mag-ipon ng 4,000 pesos para sa kanyang maintenance medicines.

Isang kanto lang ang layo mula sa bahay nina Kristel, nakilala naman namin ang isa pang residenteng itatago namin sa pangalang Jeric, may sakit rin daw sa pag-iisip. Kumpara sa iba, nakakatulong sa pagsasaka si Jeric. Pero madalas daw na tila wala siya sa katinuan. Wala rin siyang tigil sa paglakad. Dahil sa kahirapan, gaya ni Kristel ay natigil rin sa pag-inom ng gamot si Jeric.

 


Sa parehong barangay, isa pang may sakit daw sa pag-iisip ang aming nakilala, ang dalawampu’t anim na taong gulang na si Shiela. Mailap sa tao si Shiela. Ayon sa kanyang ina, nakapagtapos pa siya ng elementary at high school at nakapagtrabaho pa bilang isang factory worker sa Laguna. Pero nang umuwi raw siya sa Nueva Ecija, napansin na lang nila ang pagbabago sa ikinikilos ng anak.

 


Apat ang pinakakaraniwang sakit sa pag-iisip o psychiatric disorders na naitala sa Pilipinas. Nangunguna rito ang schizophrenia, pangalawa sa listahan ang substance abuse, sumunod sa listahan ang post-traumatic stress disorder o PTSD at ika-apat ang depression. Isa sa kada limang Pilipino ang may mental health disorder.  Hanggang ngayon, problema pa rin na may stigma o negatibong pagtingin ang publiko sa mga may sakit sa pag-iisip katulad nina Kristel, Jeric at Shiela. Ang mas malalim na problema, tila walang mapuntahan ang mga katulad nila.

Huwag palalampasin ang “PAGSILIP SA ISIP” ngayong August 3, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

Tags: pr