ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Estado ng public transportation sa bansa, tatalakayin ng 'Reporter's Notebook'


 

 

Isa sa mga itinuturing na bottleneck o lugar kung saan nagkakaroon ng pagsisikip sa daloy ng trapiko ang Cubao sa Quezon City. Dito kasi nakapuwesto ang maraming bus terminal. Sa Cubao kung saan naghihintay ng byahe ang maraming commuter, personal naming nasaksihan ang kanilang kalbaryo sa pag-aabang ng masasakyan. Ang ibang pasaherong nakausap namin, oras na ang binilang sa paghihintay. Sinabayan ni Maki Pulido ang mga pasahero. Hindi maiiwasan ang balyahan at siksikan sa pagnanais nilang umuwi sa kani-kanilang pamilya.

Nang makasakay sa bus, isang pasahero ang nagsabing nadukutan siya ng cellphone sa gitna ng naging tulakan. Sa loob ng bus, parang sardinas ang sitwasyon ng mga pasahero. Halos hindi ka na makagalaw sa sobrang siksikan sa loob. Pare-pareho ang sentimiyento ng mga nakasabay ng Reporter’s Notebook: mahirap ang buhay commuter.

 


Siksikan na nga sa loob ng bus, dagdag sakit ng ulo pa ang mabigat na daloy ng traffic. Sa isang pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authoriy o MMDA, nabawasan daw ang average travel time sa kahabaan ng EDSA sa pagitan ng alas dose ng tanghali at alas dos ng hapon. Mula sa 1 hour and 26 minutes noong July 2016, umikli raw ang byahe sa kaparehong oras at naging 1 hour and 8 minutes na lang nitong July 2017.

 


Ang MRT na alternatibong mass transit system ng mga commuter, sunud-sunod naman ang aberya. Nitong Linggo, November 5, nakunan ng cellhone video ang pagtirik ng MRT 3 sa pagitan ng Cubao at GMA-Kamuning. Umusok raw ang isang bagon ng tren na byaheng northbound kaya pinababa ang mga pasahero. Napilitan silang maglakad ng nasa apat na raang metro sa gilid ng riles ng tren. At nitong Lunes, apat na beses nagkaaberya sa biyahe ng MRT. Ang makailang ulit na pagkasira ng tren at pagpapababa ng mga pasahero, ilan lamang sa mga naging basehan ng Department of Transportation para tuluyan nang kanselahin ang kontrata ng Busan Universal Railway Inc na maintenance provider ng MRT. Tanong ng mga commuter, hanggang kalian sila magtitiis?

Huwag palalampasin ang “RUSH HOUR” ngayong November 9, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

 

Tags: pr