Pagbabalik ng Oplan Tokhang, tinutukan ng ‘Reporter’s Notebook’
_2018_02_08_10_03_10.jpg)
Ngayong January 2018, muling ibinabalik ng Philippine National Police o PNP ang Oplan Tokhang na bahagi ng Project: Double Barrel. Nitong Martes, isang Oplan Tokhang na ikinasa ng Caloocan City Police ang sinamahan ng Reporter’s Notebook. Ayon sa PNP, ilang bagong panuntunan ang kanilang ipinapatupad.
Kung babalikan, July 1, 2016 nang ilunsad ng Philippine National Police o PNP ang Oplan Tokhang o ang pagpunta sa mga bahay ng mga suspected drug user at pusher upang pakiusapan silang sumuko sa mga otoridad. Pero mula noon, dalawang beses na ring sinuspinde ang programa. Layon raw bigyang daan ang internal cleansing o paglilinis sa hanay ng kapulisan. Makailang ulit kasing nasangkot sa kontrobersya ang ilang miyembro ng PNP.
Unang sinuspinde ang Oplan Tokhang noong January 30, 2017 nang matuklasang sangkot ang ilang pulis sa kidnap for ransom case ng Korean businessman na si Jee Ick Joo. Pinatay sa loob mismo ng Camp Crame si Jee Ick Joo. Muling inilunsad ang Oplan Tokhang noong March 7, 2017 na tinawag na Oplan Double Barrel Reloaded.
Pero muli rin itong inihinto noong October 10, 2017 nang masangkot naman ang ilang pulis sa kontrobersyal na one time big time operation sa Caloocan City. Napatay ang labimpitong taong gulang na si Kian de los Santos matapos umanong manlaban. Pero matapos imbestigahan, lumalabas na imposibleng nanlaban ang binatilyo. Sa loob ng labing-tatlong buwan na implementasyon ng project double barrel, nasa mahigit tatlong libong drug suspects ang napatay sa mga lehitimong police operation matapos umanong manlaban.
Huwag palalampasin ang “BALIK TOKHANG” ngayong February 8, 2018, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.
