ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Problemang kinakaharap ng ilang tourist spot sa Pilipinas, tinutukan ng 'Reporter's Notebook'


 


Sentro ngayon ng balita ang Boracay matapos itong ipasara ng gobyerno. Anim na buwang pagbabawalang pumasok ang mga turista sa isla. Sa pagbisita ng Reporter’s Notebook noon sa Boracay, tinungo namin ang back beach kung saan natuklasan ang mga tubong direktang nagtatapon ng dumi sa karagatan. Pero bukod sa Boracay, marami pang mga isla sa bansa ang may kinakaharap na banta.

Isa ang Coron sa Palawan sa pinakakilalang puntahan ng mga turista dahil sa makapigil-hininga nitong mga tanawin. Katunayan, mula 91, 560 turistang bumisita sa Coron noong 2013, tumaas ang bilang sa 142, 300 nitong 2017. Pero kamakailan, idineklara ng DENR na hindi ligtas paliguan ang ilang bahagi Coron Bay dahil sa mataas na level ng coliform dito. Ang coliform ay nagmumula sa dumi ng tao at hayop. Kawalan ng maayos na sewage treatment ng mga residente at ilang establisyimento ang tinukoy na dahilan ng pagdumi ng tubig sa karagatan.

Sa isla naman ng El Nido, nakunan ng Reporter’s Notebook ang ilang tubong nagtatapon din ng maruming tubig diretso sa karagatan. Maliban sa ilang nakalutang na basura, makikitang maitim ang umaagos na waste water sa dagat.

Hindi nalalayo ang natuklasan naming sitwasyon ng Puerto Galera sa Mindoro. Sa Sabang beach, makikita ang ilang tubo na direkta sa dagat kung maglabas ng maruming tubig. Nang tuntunin namin ang pinanggagalingan ng waste water, napadpad kami sa ilang kabahayan at establisyimento.

Paano humantong sa ganitong sitwasyon ang mga islang ito at ano ang ginagawa ng pamahalaan para maisalba ang mga natitirang paraiso?

Abangan ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan sa “NATITIRANG PARAISO” ngayong May 10, 2018, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze Medalist, 2017 New York Festivals Gold Medalist, at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

Tags: pr